PINADALHAN na ng Show Cause Order (SCO) ng Land Transportation Office (LTO) ang drayber ng van na nakabundol sa isang lalaking estudyante habang tumatawid sa pedestrian crossing sa kahabaan ng General Luna Avenue, Brgy. Ampid 2, San Mateo, Rizal noong Hunyo 18.
Batay sa imbestigasyon, huminto ang isang pampasaherong jeep upang magbigay daan sa mga tumatawid nang biglang nag-overtake ang van na nasa likuran at nabundol nito ang estudyante na nagtamo ng sugat at agad namang isinugod sa pagamutan.
Iniutos ng LTO na kailangang magpaliwanag sa kanilang opisina ang may-ari ganun din ang drayber kung dapat ba nilang panagutan o hindi ang pagkabundol sa estudyante matapos ang insidente.
Ayon pa sa ahensya, ipaliwanag din ng drayver kung bakit hindi siya dapat tanggalan ng lisensya matapos mag-viral ang video na hindi ito huminto sa pedestrian crossing.
Bilang bahagi ng imbestigasyon, isinailalaim sa alarma ang sasakyan at inutusan ang drayber na i-surrender muna nito ang lisensya habang inilagay siya sa 90-araw na preventive suspension habang dinirinig ang kaso laban sa kaniya.
Giit ni LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, kaya aniya naglalagay ng mga pedestrian lane at pedestrian crossing para sa proteksyon ng publiko at dapat na sundin at igalang ito ng mga motorista.
“Hindi natin palalampasin ang anumang uri ng kapabayaan sa pagmamaneho na naglalagay sa buhay ng ating mga kababayan sa panganib,” ang pahayag ni Lacanilao.
Pinaalalahanan pa ng LTO chief ang lahat ng mga motorista na maging rsponsable, maingat at mapagbantay sa lahat ng oras kapag nagmamaneho.
“Isang saglit na pagwawalang-bahala sa mga patakaran sa kalsada ay maaaring magdulot ng aksidente at maglagay sa panganib sa buhay ng iba,” dagdag pa ni Lacanilao.

