NAGING matagumpay ang kolaborasyon sa pagitan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), pamahalaang lungsod ng Naga at Coca-Cola Far East Limited Philippines upang palakasin ang pamamahala sa basura.
Pinangunahan nina TESDA Secretary Kiko Benitez, Naga City Mayor Maria Leonor Robredo, at Coca-Cola Philippines Senior Director for Public Affairs, Communications and Sustainability Maria Christine Ponce-Garcia ang paglagda sa memorandum of agreement at ang paglulunsad ng programa sa sanitary landfill facility ng Naga City noong nakaraang Hunyo 17.
Binigyang-diin ni Benitez ang pangangailangang pagkalooban ang mga tauhan ng lokal na pamahalaan ng mga kasanayang kinakailangan upang matugunan ang mga hamon sa kapaligiran.
“Nagsisimula ang environmental sustainability sa mga komunidad na may tamang kasanayan. Sa pamamagitan ng pakikipagtulungang ito, bumubuo tayo ng isang mahusay na pangangasiwa ng solid waste, magsusulong ng mga kasanayan sa circular economy, at tutulong sa pagbuo ng mas malinis, mas lutian, at mas matatag na mga komunidad. Dito naisasakatuparan ang teknikal na edukasyon bilang makabuluhang pagbabago para sa bawat Pilipino,” pahayag ni Benitez.
Sa ilalim ng kasunduan, ipatutupad ng TESDA, ng pamahalaang lungsod ng Naga, at ng CCFEL Philippines ang SWMO Level III Training Program para sa mga kwalipikadong kalahok mula sa lungsod.
Ipatutupad din sa ilalim ng Trash Free Pilipinas (TFT) program, ang pagsasanay, pagpaplano at pag-supervise sa mga operasyon ng solid waste management; pamamahala sa mga tauhang nakikibahagi sa mga gawain sa waste management; pagpapatupad ng kaligtasan sa trabaho, kalusugan, at kapaligiran; pamamahala sa mga pinagkukunang-yaman; at pagpapalakas ng pamumuno sa lugar ng trabaho at komuikasyon.
Ang unang batch ng 25 barangay at environmental officers mula sa lungsod ay pormal nang sinanay sa competency-based training.
Isasailalim din ang mga kalahok sa site-based learning sa sanitary landfill facility ng Naga City upang makakuha ng direktang karanasan sa mga operasyon ng waste management at mga kasanayan sa resource recovery.
Ang nasabing programa ay pangangasiwaan ng mga tagapagsanay mula sa Camarines Sur Institute of Fisheries and Marine Sciences.
Sa ilalim ng TFP program, tinutulungan ng SWMO Level III Training Program ang mga pagsisikap ng TESDA at CCFEL Philippines na magbigay ng pamantayang competency-based training na nagkakaloob sa mga lokal na pamahalaan ng mga kasanayan upang mapabuti ang ekolohikal na pamamahala ng solid waste.
Sa kanyang panig, ipinaabot naman ni Mayor Robredo ang commitment ng pamahalaang lungsod na lalo pang paghusayin ang mga inisyatiba nito sa solid waste management sa pamamagitan ng pagbuo ng capacity-building at patuloy na pakikipagtulungan sa TESDA at sa mga ka-partner nito.
Gayundin, ibinida ng CCFEL Philippines, na matagal nang ka-partner ang TESDA sa ilalim ng TFP Program, ang papel ng pagpapatibay ng kasanayan sa pagtataguyod ng responsableng pamamahala sa basura, habang binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagtutulungan ng pambansang pamahalaan, mga lokal na pamahalaan, at ng pribadong sektor sa pagbuo ng mas malinis na mga komunidad.

