NANAWAGAN kamakailan ang mga non-teaching personnel ng Department of Education (DepEd) sa ahensya gayundin sa Department of Budget and Management (DBM) na ibigay na sa lalong madaling panahon ang kanilang 2025 Collective Negotiation Agreement (CNA) at Performance-Based Bonus (PBB).
Ayon kay Atty. Domingo Alidon, presidente ng DepEd National Employees Union (NEU), dapat aniyang bigyang pansin na ito ng ahensya dahil magtatapos na naman ang taon ngunit ang ire-release na PBB ay para sa taong 2023 pa lang.
Sinabi pa ni Alidon na maliban sa PBB, makakatanggap din ang mga miyembro at hindi miyembro ng DepEd-NEU ng CNA incentives batay sa nakasaad sa Executive Order 180 para sa mga non-academic personnel.
“Batay sa EO 180, hindi lamang mga miyembro ng unyon ang pagkakalooban ng nasabing insentibo kundi kalakip na rin ang lahat ng non-teaching personnel. Malaki ang ating savings kaya walang dahilan para hindi ito maibigay,” ang pahayag ni Alidon sa isang panayam kamakailan.
Dagdag pa ni Alidon, gawin din aniya ng DepEd kung ano ang ginawa nito noong nakaraang taon kung saan kaagad na ipinamahagi ang ₱10,000 sa lahat ng non-teaching personnel pagkalabas ng nasabing kautusan.
“Naniniwala kami na magagawa rin ito ng kalihim tulad noong nakaraang taon kung saan ipinagpasalamat naming tinanggap agad ang ₱10,000 na CNA incentive para sa taong 2024,” giit pa ni Alidon.
Idinagdag pa ni Alidon na posible aniyang aabot sa ₱30,000 ang insentibo depende sa kung magkano ang savings ng ahensya.
Aabot sa 85,000 non-teaching personnel ang makikinabang sa nasabing insentibo sa CNA gayundin sa 2023 PBB na halos atrasado na ng dalawang taon at walong buwan kung saan may alokasyon na ito mula sa DBM.
“Hindi patas para sa amin ang pagkaantala na ito at umaasa kami na sa susunod dapat din isipin ng DBM ang kalagayan ng mga teachers at non-teaching personnel kaya dapat ibigay ang bonus ng advance.
“Kung ang pondo nga para sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ay naibibigay ng DBM in advance, dapat gayundin ang gawin nila, na i-proritize ang mga bonus at insentibo sa mga guro at non-teaching personnel,” himutok pa ni Alidon.



