IPINATAWAG ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang drayber at opereytor ng isang taxi dahil sa mabaho at dugyot na kalagayan nito.
Mismong si LTFRB chairman Atty. Vigor D. Mendoza II ang nagsampa ng reklamo matapos masumpungan ang nasabing taxi na may plakang AAO 8576 sa Intramuros area sa Lungsod ng Maynila nitong Huwebes, Hunyo 11.
Sinabi ni Mendoza na wala aniyang puwang sa pampublikong transportasyon ang gayong uri ng taxi dahil maliban sa kawalang-galang, labag din aniya ito sa alituntunin ng ahensya.
“Nais kong ipaalala kapuwa sa mga opereytor at drayber na hindi isang karapatan kundi isa lamang pribelihiyo ang pag-operate ng pampublikong sasakyan dahil ito ay may kaakibat na reponsibilidad na panatilihing ligtas sa daan, malinis at kaaya-aya ang sasakyan,” ang pahayag ni Mendoza.
Sa kautusan ng ahensya, obligadong dalhin ng opereytor ang sasakyan para sa inspeksyon sa Hunyo 15 at didinggin ang kaso sa Hunyo 30
Pinasisigla naman ni Mendoza ang publiko na ipadala agad ang reklamo sa kanilang social media accounts at sa Hotline 1342 para sa aksyon.
Maliban sa taxi, maaari rin aniyang isumbong sa LTFRB ang mga sasakyang may masangsang na amoy at maruming mga pampasaherong jeep, bus, UV Express pati na rin ang mga ride-hailing na mga sasakyan.

