Kumpiyansa si Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Conrado Estrella III na matatapos ng pamahalaan ang pamamahagi ng mga indibidwal na titulo ng lupa sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) Program bago matapos ang taong 2027.
Ang SPLIT Program ay naglalayong hati-hatiin ang mga lupaing naisailalim sa agrarian reform na dating nabigyan lamang ng Collective Certificate of Land Ownership Award (CLOA) upang mabigyan ang bawat magsasaka ng sariling titulo.
Sa panayam ng Brabo News, ibinunyag ni Estrella na nasa 80 porsyento na ang kanilang natatapos sa nasabing programa.
Sa kasalukuyan, mayroon na lamang natitirang balanse na 750,000 ektarya. Target ng DAR na makapamahagi ng 500,000 ektarya ngayong 2026, upang 250,000 ektarya na lamang ang maiiwang balanse para sa huling taon ng programa sa 2027.
Ayon sa Kalihim, ang implementasyon ay itinuturing na “way ahead of schedule” dahil kailangang mapabilis ang proseso bago ang nakatakdang pagtatapos ng programa sa susunod na taon.
Hindi naitago ni Estrella ang naging hamon sa pakikipag-ugnayan sa World Bank (WB) na siyang nagpopondo sa programa.
Inamin niyang nagkaroon ng tensyon dahil sa umano’y mabagal na proseso at paulit-ulit na rekisitos ng mga kinatawan nito.
“Nung una nakikipagbangayan kami sa World Bank dahil ang mga tao nila rito ang nagpapabagal. Sila ang player, sila rin ang referee. Kapag na-delay, may penalty sa atin, gayung sila naman ang nagiging sanhi ng delay dahil sa pabago-bagong requirements,” ani Estrella. Matapos ang kanyang banta na direktang lalakad sa Amerika para ayusin ang sistema, naging mas mabilis na ang proseso at ang pagsasagawa ng mga survey.
Ipinaliwanag ni Estrella na ang problemang kinakaharap nila ngayon ay “namana” lamang sa mga nakaraang administrasyon na nagmadali sa pamimigay ng titulo nang hindi isinasagawa ang parcelization o paghahati-hati ng lote.
Dahil sa collective CLOA, nagkaroon ng kaguluhan at pag-aaway sa pagitan ng mga magsasaka dahil hindi malinaw ang hangganan ng kanilang lupa. “Nagkagulu-gulo, may nagpapatayan pa sa ibang lugar at wala nang nagbabayad ng real estate tax dahil hindi alam kung aling bahagi ang kanila,” paliwanag ng Kalihim.
Sa pamamagitan ng mediation at pakikipag-usap ng DAR personnel sa ground, unti-unti nang natatanggap ng mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) ang kanilang mga indibidwal na titulo.
Simula nang maupo sa pwesto noong July 2022, ipinakita ng DAR ang mabilis na pag-usad ng distribusyon kung saan mula sa 36,000 ektarya na naipamigay sa loob ng 15 buwan ng naunang pamunuan, umabot ang DAR sa 70,000 ektarya noong 2023 at higit 120,000 ektarya noong 2024.
Nitong nakalipas na taong 2025, nakapagpalabas ang ahensya ng mahigit 302,000 ektarya na nagpapatunay sa seryosong layunin ng kasalukuyang administrasyon na tugunan ang mga suliraning inabutan sa ahensya.
Kaugnay nito, maayos din ang implementasyon ng Republic Act No. 11953 o ang New Agrarian Emancipation Act na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong July 7, 2023.
Layunin nitong palayain ang mahigit 610,000 ARBs mula sa P57.56 bilyong pagkakautang at amortisasyon sa Land Bank.
Ayon kay Estrella, magkaugnay ang SPLIT Program at ang condonation dahil matapos ang parcelization, awtomatikong mabubura ang utang ng mga magsasaka sa mga lupang nakuha sa ilalim ng PD 27, RA 6657, at RA 9700. Libre na rin sila sa pagbabayad ng estate taxes sa mga nasabing lupang agrikultural.
Sa kabila ng mga tagumpay, inamin ni Estrella na hindi biro ang panganib na kaakibat ng kanyang trabaho. Nakakatanggap umano sila ng mga pagbabanta sa buhay dahil sa seryosong pagpapatupad ng batas, lalo na sa pagpapatupad ng mga pinal na desisyon sa mga nakabimbing kaso sa Batangas, Nueva Ecija, at iba pang probinsya.
Gayunpaman, tiniyak ng Kalihim na mananatili silang sinsero sa kanilang layunin na bigyan ng katarungan at tunay na pagmamay-ari ng lupa ang mga Filipino magsasaka. (FELIX TAMBONGCO)



