ISINUSULONG pa rin ng dating Presidential Anti-Corruption Commission ( PACC) chairperson Greco Belgia ang pagdalo sa ‘Con-con’ o Constitutional Convention upang mapag-usapan ang lahat ng suliranin ng bansa, kasama na ang korapsyon at pagka-di pantay-pantay na pangunahing kinakaharap ng mga Pilipino ngayon.
Noong Miyerkules, sa pangalawang episode ng Kapihan sa Metro East media forum, isinaad ni Belgica ang mga anomalya o korapsyon na siya mismo ang naka-saki noong siya ay nanunungkulan pa bilang konsehal ng Maynila..
“Nakita ko mismo, sarili kong mga mata, kung paano peke-in at dayain ang mga kontrata para pumabor lamang sa mga mayroong koneksyon sa politika,” pahayag ng dating PACC chairperson.
Dagdag pa niya, na sa kabila ng sinasabi ng gobyerno na kumpleto ang 5,500 flood control projects, hindi naman maituturing na tagumpay sapagkat kinabukasan ay nagbaha rin kaagad.
Patunay lamang aniya na hindi epektibo ang konstitusyon at kung paano nagsilbing buhay na ebidensya ang mga nangyaring sakuna sa bansa, katulad na lamang ng mga nagdaang bagyo at baha na naminsala sa libo-libong Pilipino.
“Diyos na ang nagpapakita kung gaano ka-depektibo ang sinasabi nilang flood control projects. Sa nagdaan na lamang na super typhoon Carina at habagat na nagdulot ng malawakang pagbaha, pagguho ng mga lupa, at pagkasira ng mga pananim, ‘yon ay isa nang patunay,” paliwanag pa niya.
Nanindigan pa si Belgica na ang Konstitusyon ng 1987 ay maaari pang amyendahan gamit ang mga boto ng taong-bayan.
Mabubuksan aniya ang mga usapin ukol sa mga isyu ng land reform at economic opportunities, sa pamamagitan ng pagdalo ng mga opisyal ng LGU, religious groups, at iba pang sektor sa Constitutional Convention para masimulan na ito..
“Political power will always redound to economic power. Dati, mayroon lamang tayong isang diktator na may kapangyarihan sa bawat indibidwal, ngunit sa kasalukuyan, napakarami ang namumuno na tila nakikisawsaw at umaabuso sa pera ng bayan at kapangyarihan,” diin ni Belgica.
Naniniwala ang dating PACC chairperson na magsusulong at magsisiklab ang constitutional convention o ‘ConCon’ ng mga malawakang debate, dahil ito ay nangangailangan ng bukas na kaisipan mula sa lahat ng sambayanang Pilipino para sa pagbabago at pag-amyenda ng konstitusyon.