MAKAKATANGGAP na ng libreng online training sa digital, entrepreneurship at artificial intelligence (AI) ang mas maraming Pilipino hatid ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Nakipag-partner ang ahensya sa United Nations for Education, Sciences, and Culture-UNesco Vocational Education (UNESCO-UNEVOC) at HP Foundation sa pamamagitan ng UNESCO Global Foundation sa larangang ito ng information and communications technology (ICT).
Sa ilalim ng bagong kasunduan, may mga piling kurso sa HP LIFE Program ng HP Foundation ang ilalagay sa TESDA Online Program (TOP) upang palakasin ang kakayanan ng mga technical and vocational education and training (TVET) learners.
Ayon kay Secretary Kiko Benitez, Director General ng TESDA, tutulungan ng ahensya ang mga learners ng mga skills na hinahanap ng industriya sa larangan ng ICT, entrepreneurship at AI para mabilis na makahanap ng trabaho o pagsisimula ng negosyo.
Binigyang-diin pa ng kalihim ang kahalagahan ng pagbibigay sa mga Pilipino ng mga kasanayan na para sa kinabukasan at patuloy na tutugon sa nagbabagong pangangailangan ng digital economy.
“As industries continue to transform through technology and innovation, it is important that Filipinos are equipped with the skills needed to remain competitive and adaptable in the future of work. Gamit ang e-TESDA, mas mapapalawak natin ang access sa dekalidad na training,” dagdag pa ni Benitez.
Ang HP LIFE ay isang programa ng HP Foundation na nagbibigay ng libreng online na pagsasanay sa mahigit 30 kurso sa pagnenegosyo at digital skills, kabilang na ang artificial intelligence, entrepreneurship, marketing, communication, finance at business operations.
Ang TOP na matatagpuan sa e-tesda.gov.ph ang magsisilbing plataporma para sa libre at flexible na technical education and skills training para sa lahat ng Pilipino anumang oras at kahit saan man.
Ang mga kurso naman ng HP LIFE ay inaasahang mas magpapaunlad sa online learning ecosystem ng TESDA na matatagpuan sa Skills Pathways feature ng TESDA Skills Passport mobile app.
Ang kolaborasyon na sinuportahan ng UNESCO Global Skills Academy, isang pandaigdigang inisyatibo para tugunan ang labor skills gap, suportahan ang lifelong learning at isulong ang mga sustainable development goals, partikular na sa kalidad na edukasyon na inklusibo at para sa lahat.
Layunin ng Global Skills Academy na masuportahan ang pagbuo ng employable skills sa 10 milyong kabataan at may edad sa buong mundo sa taong 2029.

