NAGSAMPA ng kasong perjury si Marikina 1st District Representative Marcelino “Marcy” Teodoro laban sa dalawang babaeng pulis na nag-akusa sa kaniya ng acts of lasciviousness at rape by sexual assault, sa Office of the City Prosecutor ng Maynila.
“Isinampa na ngayong araw ni Congressman Marcy Teodoro ang kasong perjury o pagsisinungaling sa sinumpaang salaysay, laban sa mga nang-akusa sa kaniya, dalawang policewoman, na may kasinungalingang nagparatang ng seksuwal na pang-aabuso sa kanila,” ang pahayag ni Atty. Alma Mallonga ng Siguion Reyna Montecillo & Ongsiako law offices.
Sinabi pa ni Mallonga na gawa-gawa lamang ang kasong isinampa ng dalawa laban kay Teodoro kung saan “inamin ng dalawang babaneg pulis na wala silang ebidensya.”
“Gayundin, marami ang magpapatotoo na hindi kailanman nangyari na tanging si Cong. Marcy at ang dalawang pulis lang ang magkakasama kung saan imposibleng magkaroon ng pagkakataon na maisagawa niya ang nasabing mga akusasyon,” dagdag pa ni Mallonga.
“Nangangahulugan lamang ito na lumabag sila sa kanilang sinumpaang pahayag,” giit pa ng abogado.
Ayon sa Republic Act No. 11594, may hatol ang perjury na prison mayor bilang minimum na parusa (anim na taon at isang araw hanggang walong taon) hanggang sa medium period (walong taon at isang araw hanggang sampung taon).
At kung ang nagkasala ay isang opisyal ng publiko o empleyado, ang parusa na ipapataw ay ang pinaka-maximum—sampung taon at isang araw hanggang labindalawang taon.



