NARITO ang kabuuang sagot ni Pasig City Mayor Vico Sotto kaugnay sa artikulong inilathala ng BRABONews.com at nasa baba ang aming sagot:
“Why are you asking the LGU for its side only now, after your article has already been published? To my understanding, it is an accepted standard of journalistic practice and ethics to seek the side of the party to whom negative allegations are imputed before publishing a story.
Please note that some information (such as the computations of costing per square meter) in your article are both inaccurate and misleading. This is not surprising considering that your source was a party with a clear conflict of interest. It seems that the allegations in their press release were not fact-checked.
As a project under the “design & build” modality of procurement, the detailed cost estimates for the New Pasig City Hall is currently being finalized before contract signing. This project will be implemented with utmost transparency. The detailed cost estimates will be published and made available to the general public upon finalization and contract signing.”
Sagot ng BRABONews.com
Para sa kaalaman ng aming mga mambabasa, nakatanggap ng press release ang brabonews.com noong Hulyo 25 kaugnay sa pagkuwestiyon ni Curlee Discaya, ang may-ari ng St. Gerrard Charity Foundation, sa P9.6-B halaga ng itatayong city hall campus at kasabay nito ay ang pag-offer ng negosyante kung paano maitatayo ang city hall sa kahalintulad na disenyo ngunit sa mas murang halaga.
Basahin: ₱9.6-B Pasig City Hall Campus ni Sotto, kinuwestiyon
Bago kami maglathala ng mga press releases ay kinukumpirma muna namin kung totoo bang inilabas nga iyon ng isang organisasyon. Sa kasong ito ng nabanggit na foundation, nakausap namin ang nagpadala na official press release nga ito.
Matapos makumpirma, inilathala namin ang nasabing press release sa araw din na iyon at kaagad na ipinadala ang link sa opisyal na Viber Group ng mga reporter na nagko-cover sa lungsod sa pamamagitan ng Pasig PIO.
Layon ng pag-post na iyon na hingan ng sagot, reaksiyon o komento si Mayor Vico kaugnay sa nasabing balita at sinabi naman ng Pasig PIO na babalikan nila kami (may isa pang reporter ang nanghingi rin ng reaction).
Mula noong Hulyo 25, ngayong araw lang, Agosto 8, o labing-apat (14) na araw bago sumagot si Mayor Vico na mababasa sa itaas.
Tama naman ang alkalde sa pagsasabing “it is an accepted standard of journalistic practice and ethics to seek the side of the party to whom negative allegations are imputed before publishing a story.”
Pero maaaring ang tinutukoy niya ay ang ‘investigative’ stories na mahaba-habang artikulo at kailangan ngang hingan ng pahayag ang kabilang panig.
Hindi ito applicable sa karaniwang mga balita na kailangang maibalita kaagad kahit na ito ay may kasamang mga akusasyon. “Panis na balita” na ika nga ang aabutin lalo na kapag nasa ibang bansa ang kabilang panig, hindi mahagilap o nagtatago pa nga.
Halimbawa na lamang dito ay nang maglabas ng pahayag ang Olympian na si Carlos Yulo at may mga akusasyon siya laban sa kaniyang ina.
Ibinalita ba agad ng mga mamamahayag ang nasabing TikTok post? Opo. May mga nag-hold ba dahil hindi pa nila nahingan ng reaksiyon ang ina laban sa mga akusasyon ng anak niya? Kayo na ang sumagot.
Kung susundan natin ang nais mangyari ni Mayor Vico, lumalabas na labing apat na araw pa siya magbibigay ng reaksiyon sa isang balitang may akusasyon laban sa kaniya.
Para maintindihan ng aming mga mambabasa, alinman sa babanggitin namin o hindi pero makakaasa kayo na gumagawa kami ng paraan para hingan ng pahayag ang kabilang panig.
Kaya kung mapapansin ninyo, may mga naririnig kayo o nababasa na ganito: “Nagsikap kaming hingan ng reaksiyon si Juan dela Cruz ngunit hindi siya nagpaunlak/makontak/sinasagot ang aming tawag atbp” pero nailabas o nailathala na ang balita.
Karaniwan na, isa ring standard practice na ang inaakusahan ay kaagad na nagpapatawag ng isang press conference o namimigay ng isang press release upang pasinungalingan o pabulaanan ang mga akusasyon laban sa kaniya.
Ito ang inaasahan namin na gawin ni Mayor Vico tulad ng ginagawa niya kapag may magandang balita siya na ilalabas o hindi magandang balita na nakaapekto sa mga Pasigueño.
Kaugnay naman sa dalawang parapo na binabanggit ni Mayor Vico, umaasa kami na maglalabas siya ng detalye sa lalong madaling panahon nang sa gayon ay kaagad namin itong maibalita.