PINAKAKANSELA ng ilang mga opisyales ng barangay sa Tarlac City ang certificate of candidacy (COC) ni Tarlac Governor Susan Yap at alisin ito sa listahan ng mga kandidato sa darating na halalan sa Mayo 12, 2025.
Naghain ng reklamo sa Commission on Elections (Comelec) ang mga kagawad ng Barangay Tibag, Tarlac City na sina Larry Espinosa, Mark Campos, Remigio Tabane, Jovelyn Navarro, Wilson Sapad at Dave Basilio kasama ang kanilang punong barangay na si Jay-Ar Capulong Navarro laban kay Yap.
Ayon sa kanila, mayroon umanong material misrepresentation si Yap at may tahasang intensyon na linlangin ang publiko na siya ay kwalipikadong tumakbo bilang mayor sa Lungsod ng Tarlac samantalang sa loob ng mahabang panahon ay hindi man lamang nila makita ang gobernadora sa idineklara nitong tirahan.
Batay kasi sa isinumiteng COC ng gobaernadora, isinulat niya na siya ay residente ng Immaculate Concepcion Subd., Brgy. Tibag, Tarlac City at nakakagulat dahil ito ay pinasinungalingan ng isa sa mismong kapartido ni Yap na si Maria Antonette Belmonte.
Nag-ugat ang nasabing isyu nang isa sa mga kawani ng kapitolyo ang nagsadya sa Brgy. Tibag upang humingi ng Certification of Residency para kay Gobernador Yap na diumano ay nakatira sa nasabing address.
Nang puntahan ito ng mga tauhan ng barangay hall, bumulaga sa kanila ang mga naka-plastic na mga bigas, patong-patong na mga kahon, roll-up door at walang mga residential fixtures—palatandaan na ito ay isang bodega at hindi isang tirahan, bagay na hindi inisyuhan ng certificate of residency ang punong lalawigan.
Sinabi pa ng mga nagpitisyon na walang rekord ng paninirahan ang punong lalawigan sa Barangay Tibag at maging sa Annual Residency Survey mula 2021-2024 ng barangay Health Worker ay wala umanong nakatira sa nabanggit na bodega kung saan sinegundahan din mismo ito pati na ng guwardiya ng subdivision.
Sa rekord, ang mga Yap ay dating naninirahan sa bayan ng Victoria, kung saan naging mayor pa nga ang kanilang namayapang ama na si Governor Aping Yap.
Ngunit ng nakabili ang kanilang ama ng rancho sa bayan ng San Jose, pinakansela na nila ang kanilang rehistro sa Victoria at lumipat na ang mga ito sa munisipyo ng San Jose.
Nakakalungkot namang isipin, ayon pa sa mga barangay officials na sa kaniyang estado at bilang isang gobernador na nanungkulan sa loob ng tatlong termino (9 na taon), kataka-taka na ang isang tulad niya ay sa isang bodega lamang maninirahan.
Umaasa ang mga nagreklamo na mananaig ang batas at hindi dapat magpatuloy ang panlilinlang na ito mula sa isang gobernador na naglilingkod lamang sa kanyang ambisyong politikal.