PINASISILIP ni Deputy Majority Leader at Iloilo City Lone District Rep. Jam Baronda sa Kamara ang panibagong insidente ng power outage sa buong Panay Island at ilang bahagi ng Negros Island.
Iginiit ng mambabatas na nakakabahala na ang pangyayaring ito dahil hindi pa nga aniya natatapos ang imbestigasyon ng House Committee on Energy ukol sa region-wide power outages, may panibago na namang insidente ng pagkawala ng kuryente na malaking abala sa mga residente.
Tila aniya hindi pa natututo ng leksyon ang mga responsable at may pananagutan sa naturang power outage, kaya’t dapat gamitin ang congressional oversight power para sa kapakanan ng publiko.
Matatandaan na noong Agosto ng nakaraang taon, isinulong ng kongresista ang buong implementasyon ng interconnection ng Luzon at Visayas grids na dadaan sa Mindoro, bilang isa sa mga hakbang upang matugunan ang problema sa kuryente sa Isla ng Panay.
Kaya aasahan ng mga Ilonggo na magaganap ang imbestigasyong ito sa nalalapit na pagbubukas muli ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa buwang ito.Â