ISANG kaso ng parricide ang iniulat ng Rizal Police Provincial Office (Rizal PPO) matapos matagpuan sa loob ng kanilang bahay ang misis na sugatan at wala nang buhay ganun din ang asawang lalaki na winakasan ang sariling buhay sa pagbitin sa sarili noong Abril 26, 2026.
Kinilala ni PCol. Eleazar Barber Jr., provincial director ng Rizal PPO, ang biktimang si Alyas “Je,” 37, isang helper at asawa nitong si alyas “Jerry,” 45, na kapuwa naninirahan sa Brgy. Wawa, Tanay, Rizal.
Ayon sa isinagawang imbestigasyon ng Tanay Municipal Police Station, dakong alas-9 Linggo ng umaga ay pinasyalan ng ina ng asawang lalaking suspek ang mag-asawa ngunit walang sumasagot sa kaniyang pagkatok.

Nagpasya na lamang ito na pasukin ang bahay at doon ay tumambad sa kaniya ang duguang katawan ng manugang at nakabiting katawan ng anak sa mismong silid ng mag-asawa.
Humingi ito ng tulong sa mga kapitbahay at kaagad na nai-report sa mga awtoridad na ayon sa paunang ulat ay narekober ang isang 24 pulgadang haba ng palakol at itim na nylone na ginamit ng asawang lalaki para tapusin ang buhay nito.
Sa patuloy na imbestigasyon, napag-alaman na hiwalay na umano ang dalawa at napilitan lamang pumunta ang babae para humingi ng sustento sa anim nilang anak hanggang sa nauwi sa pagtatalo dahil sa isyu ng selos.
Sabado ng tanghali, Abril 25, isang menor-de-edad ang nagsabi na narinig umano niya ang komosyon sa loob ng bahay habang nagpapakain ito ng kanilang alagang manok malapit sa bahay ng mag-asawa.
Narinig umano nito na nagmamakaawa ang babae na sinasabing “Tama na, tama na,” habang sumisigaw naman ang lalaki ng “Niloloko mo ako!”
Isang malakas umano na kalabog ang narinig nito at sinundan ng katahimikan sa paligid.
Sinabi pa ni Col. Barber na posibleng isang marital dispute umano ang nangyari na siyang naging ugat ng madugong krimen.

