INAMIN ng Department of Justice (DoJ) na hindi arestado ng bansang Czech Republic si dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co ngunit “nananatiling nasa hurisdiksyon daw ito” ng nasabing bansa sa Europa.
“Zaldy Co was the subject of official law enforcement action by Czech authorities,” ayon kay Justice Spokesperson Polo Martinez.
Sinabi pa ni Martinez na kailangang maging maliwanag ang pagkakaiba ng salitang legal jurisdiction at hindi arestado sa ilalim ng batas ng nasabing bansa.
“We have to be careful with the nomenclature—he was not arrested. When Zaldy Co was found in the Czech Republic, their government notified the Philippines,” dagdag pa ni Martinez.
Sa ngayon, ayon pa sa tagapagsalita, ay hindi pa sinasabi ng Czech government kung anong espisipikong ahensya nila ang nangangalaga o may kustodiya kay Co.
Nitong Abril 16 lamang, inanunsyo mismo ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nahuli na si Zaldy Co at nasa Prague ito, ang kapital ng bansang Czech Republic.
“He is now detained in Prague after crossing into the Czech Republic without proper documentation and is currently in the custody of Czech authorities,” ang post ng pangulo sa social media.
Sa isang social media post naman, inanunsyo agad ni dating presidential spokesman Harry Roque na batay sa kaniyang natanggap na impormasyon, wala umanong record na may Filipino, o Zaldy Co na naaresto sa Prague.
Dahil dito, binansagan ng Palasyo sa pamamagitan ni Usec. Claire Castro na “fake news” ang sinabing iyon ni Roque.
Samantala, tumungo na sa Prague si Justice Secretary Fredderick Vida at iba pang matataas na opisyal ng ahensya upang kunin at iuwi si Co.
