Tinawag na fake news ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque ang mga ulat na naaresto na sa Prague, Czech Republic ang dating mambabatas na si Zaldy Co, sa kabila ng kumpirmasyon mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa kanyang Facebook post, hindi raw totoo ang kumakalat na impormasyon at kinuwestiyon ang kredibilidad ng Pangulo sa paglalabas ng naturang balita.
“Fake news alert: Zaldy has not been arrested. No Filipino was apprehended in Prague. Bakit Presidente pa ang nagkakalat!” ani Roque sa kanyang social media account.
Matatandaang noong Abril 16, 2026, kinumpirma ng Presidential Communications Office (PCO) at ni Pangulong Marcos sa isang social media post na nasa kustodiya na ng mga otoridad sa Czech Republic si Co dahil sa umano’y “illegal entry” o kakulangan ng tamang dokumento sa pagpasok sa bansa.
Ayon sa gobyerno, nakikipag-ugnayan na ang Pilipinas sa Czech government para sa mabilis na pagpapauwi kay Co, na nahaharap sa mga warrant of arrest sa Pilipinas kaugnay ng mga iregularidad sa flood control projects. (AJ PAJARON)
