SINABI ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco na natapos na nitong weekend ang kalsada na konektado sa dating Navotas Sanitary Landfill Facility (NSLF) sa Barangay Tanza 2.
Dahil dito, mapapabilis na aniya ang pagdating ng mga heavy equipment at mga truck na naghahakot ng mga lupa at buhangin na gagamitin upang matakpan ang apoy na nagmumula sa hotspots sa ilalim ng tambak na basura para tuluyan nang maapula ang sunog sa naturang landfill.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy pa rin aniya ang dredging at soil cover operations sa lugar na layong maapula ang sunog bagama’t kulang pa rin sa kagamitan dahil sa lawak na sakop ng apoy.
“Dahil natapos na ang road dike, mapapabilis na natin ang biyahe ng mga heavy equipment at tuloy-tuloy na ang pagtatambak sa umaapoy at umuusok pa ring tambak ng basura,” ani Mayor Tiangco.
Nauunawaan aniya niya ang pag-aalala ng kanilang mga kababayan at ginagawa naman nila ang lahat ng kinakailangang hakbang upang maresolba ang problema sa lalong madaling panahon.
Pinaalalahanan pa rin ng alkalde ang lahat na magsuot ng face mask at limitahan ang paglabas ng bahay hangga’t maaari dahil nasa 138 ang Air Quality Index o AQI sa Navotas na nangangahulugang masama pa rin para sa mga sensitibong grupo.
Nagpapasalamat din si Mayor Tiangco sa lahat ng ahensya ng pamahalaan, partner organizations, at mga pribadong kumpanyang patuloy na tumutulong sa malawakang operasyong ito. (JUVY LUCERO)
