INIHAYAG ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na posible umanong nawala na parang bula ang halos ₱3 bilyong financial assistance para sa mga transport network vehicle service (TNVS), motorcycle taxi, at delivery driver kung hindi nila hinigpitan ang validation.
Ayon kay Secretary Rex Gatchalian, tumataginting na ₱2.7 bilyon ang posibleng nawala dahil sa mga doble-doble at kaduda-dudang mga entries kung idinaan nila sa e-wallets ang nasabing payout.
Idinagdag pa ng kalihim na nagpasya umano sila na gawin itong manual payout upang matiyak nila ang pagkakakilanlan at tunay ang mga benepisyaryo dahil duda sila sa listahang isinumite ng mga transport network companies (TNCs).
Batay sa huling datos, mula sa nakalaang ₱30-bilyon para sa nasabing programa, naipamahagi na nila ang ₱5.33 bilyon sa 1,067,976 na mga drayber na tinamaan ng krisis sa buong bansa kung saan nakatanggap ang bawat isa ng ₱5,000.
“Hindi sa ayaw gamitin ng DSWD ang e-wallets. Ang totoo, ang iba naming programa tulad ng 4Ps ay idinadaan na namin sa e-wallet,” ang pahayag ni Gatchalian sa isang press conference ngayong araw.
“Ngayon, bakit sa pagkakataong ito ay hindi namin ginamit ang e-wallet? Dahil kailangan naming i-verify at i-validate, una, kung totoong tao ba itong mga kausap namin? Ikalawa, tunay ba silang mga drayber. Hindi kasi kami ang gumawa ng listahan eh,” dagdag pa ng dating alkalde.
Ayon pa kay Gatchalian, ang ibinigay aniya na listahan ng mga TNCs ay maraming mga pagkakamali, nawawalang detalye at napakaraming entries ang doble-doble.
Sa nasabing listahan, nasa 385,000 ang duplicate kaya kung susumahin aniya, aabot nga sa ₱2.7 bilyon ang nawala at napunta lang sa mga e-wallet companies.
