LABING SIYAM na mga indibiduwal ang nakatanggap ng pagsasanay kung paano pasusulungin pa ang makataong pakikipag-ugnayan sa komunidad sa Disseminators Training na ginanap sa national headquarters ng Philippine Red Cross (PRC) mula Abril 20-24, 2026, Mandaluyong City.
Sa pamamagitan ng International Humanitarian Law (IHL) Office, ang nasabing pagsasanay ay nilahukan ng mga chapters mula Agusan del Norte–Butuan City, Agusan del Sur, Western Samar, Gingoog City, Palawan, Northern Samar, Misamis Occidental–Oroquieta City, at Zambales.
Nakapokus ang pagsasanay sa kung paano ipapaliwanag ang makabuluhang ginagawa ng Red Cross at Red Crescent Movement, fundamental principles, ang tamang paggamit sa emblema at mga serbisyo ng PRC.
Lalo pang pinahusay ang kakayahan nila sa mga pahayag pangmadla, pagsasagawa ng mga plano at pakikitungo sa iba’t ibang uri ng mga tao sa isang magalang na paraan.

Binigyang-diin ni PRC Chairman and CEO Richard J. Gordon ang kahalagahan ng maayos na komunikasyon sa kanilang trabaho.
“Ang malinaw at mapagkakatiwalaang komunikasyon ay tutulong sa publiko na magtiwala sa atin. Malaki ang maitutulong ninyo upang malaman ng mga tao ang mahalagang papel na ginagampanan ng Red Cross,” ang pahayag ni Gordon.
“Kung malinaw ang komunikasyon at may empatiya ang ating mga staff at boluntaryo, magiging matibay ang ating ugnayan sa kanila at makakapaglingkod tayo ng mahusay,” dagdag naman ni PRC Secretary General Dr. Gwendolyn T. Pang.
Palalakasin pa ng Philippine Red Cross ang boses nito at misyon at titiyakin na ang bawat ibinabahaging mensahe ay magpapatibay ng tiwala, magbubukas ng pinto at para magdala ng kinakailangang tulong sa mga mas higit na nangangailangan.
