IBINIDA ni Mayor Francis Zamora na nakuha ng San Juan City ang pinakamataas na tala pagdating sa functional literacy rate sa gitna ng mga highly urbanized cities sa bansa noong 2024, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Batay sa 2024 Functional Literacy, Education and Mass Media Survey (FLEMMS) report ng PSA, ang functional literacy ay ang kakayahan ng isa na bumasa, sumulat, magkuwenta at umunawa. Kabilang sa kakayahang ito ang mataas na antas ng kaunawaan.
Nakapagtala ang San Juan City ng 94.5% functional literacy rate na nangangahulugang sa 100 indibiduwal, 95 katao ang kayang bumasa, sumulat, mag-kuwenta at may kakayahang umunawa.
Sinundan ito ng Baguio City na may 89.8%, Pasig City na may 89.2%, Pateros na may 88.1% at Makti City na nakakuha ng 87.3% rate.
Sinabi ni Zamora na nagsusumikap ang lokal na pamahalaan upang maibigay ang angkop na suporta para sa mga mag-aaral at mga guro tulad ng libreng gadgets, libreng fiber optic internet connection sa mga paaralan at sa kani-kanilang mga tahanan at 55-inch smart TV sa bawat classroom.
Maliban dito, sinabi pa ng alkalde na taun-taon nilang ipinamamahagi ang mga libreng uniporme at customized rubber shoes, emergency go bags, mga bago at modernong pasilidad, at financial assistance at incentives.
“Naniniwala po tayo na ang magandang edukasyon ang magbibigay daan upang magkaroon ng magandang kinabukasan ang bawat batang San Juaneño,” dagdag pa ni Zamora.
Samantala, ang basic literacy ay ang kakayahan ng isang tao na magbasa at sumulat ng payak, nauunawaang mensahe at magkuwenta o gumawa ng simpleng matematika.
Nangunguna sa mga lalawigan ang Apayao sa basic literacy na may 95.52% rate at 87.9% naman ang nakuha ng Benguet sa highest functional literacy rate.
Kasama rin sa kategoryang ito ang Romblon (94.6%), Nueva Ecija (94.23%), Bohol (94.22%) at Rizal (94.20%).
Sa mga highly urbanized cities naman, nangunguna ang Pasay City na may 96.2% na nangangahulugang 96 sa 100 indibiduwal mula 5 taong gulang pataas at kayang magbasa, magsulat at magkuwenta.
Sumunod sa Pasay City ang Cagayan De Oro City (96.1%), San Juan City (95.50%), Pasig City (95.50%) at Mandaue City (95.2%).
Ang bahay-bahay na FLEMMS survey ay isinasagawa kada limang taon sabuong bansa na nagsimula noong 1989. Para sa taong 2024, isinagawa ang surbey noong Setyembre hanggang Oktubre.