IPINATAWAG ng Chinese Government ang Philippine envoy to China matapos magpaabot ng pagbati ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa bagong halal na pangulo ng Taiwan na si Lai Ching-te.
Binigyang diin ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Mao Ning na ang ginawa ni PBBM ay isang seryosong paglabag sa One China Principle, gayundin sa political commitments ng Pilipinas sa China.
Kaugnay nito, pinagpapaliwanag ng China ang Pilipinas, at pinayuhan din nito ang bansa na iwasang maglabas ng mga pahayag tungkol sa mga isyu sa Taiwan.
Matatandaang nitong Lunes ay binati ni Pangulong Marcos si Taiwanese President-elect Lai sa pamamagitan ng social media platform na ‘X’, na ni-repost naman ni Lai at nagpasalamat kay PBBM.
Una nang iginiit ng Department of Foreign Affairs na nananatiling committed ang Pilipinas sa One China Policy.