Dead on arrival sa pagamutan ang isang babae matapos mahulog sa ilog mula sa bubong ng kanilang bahay para kunin ang alagang aso, kamakalawa sa Barangay 176 North Caloocan City.
Nakilala ang biktima na si Eloisa Bentugao, 28-anyos, residente ng Barangay 176 North Caloocan habang naghiginagpis naman ang inang si Bebenia Retada sa sinapit ng anak.
Ayon sa ina, kaka-graduate lamang ng anak at malaki pa ang pangarap kaya hindi niya inaasahan na ito ang mangyayari sa anak.
Ayon sa report ni Nestor Patron, Purok leader, bandang 9:00 Miyerkoles ng gabi nang makatanggap sila ng tawag na may nahulog umano sa ilog kaya agad silang rumesponde pero huli na ang lahat dahil hindi na umabot pa ng buhay sa pagamutan ang biktima na napag-alamang lasing ng mga oras na iyon.
Nakipag-inuman umano ang biktima kasama ang ilang kaibigan at kinakasamang tomboy pero nagkaroon sila ng pagtatalo na kung saan ay inilagay umano ng lover ng biktima ang alaga nitong aso sa bubong
At sa hindi inaasahang pangyayari habang nasa bubong ang biktima ay bigla itong gumuho na naging dahilan ng pagkahulog at pagkalunod ng biktima sa ilog.
Kasalukuyang iniimbestigahan ang kinakasamang tomboy kung may kinalaman ito sa pagkamatay ng biktima.