INAPRUBAHAN kamakailan ng National Economic and Development Authority (NEDA)
Board ang karagdagang tatlong infrastructure projects para sa mga susunod na taon.
Ayon sa NEDA, tumaas ang bilang ng mga proyekto sa 197 na may kabuuang halagang
P8.71 trilyon.
Tiyak daw na ito’y magpapasigla sa ating ekonomiya at makapag-bubukas ng libo-libong
bagong trabaho.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, ang tatlong naidagdag na proyekto ay ang
Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX) extension, (P23.947 bilyon);
Philippine Rural Development Project (PRDP) Scale Up (US$818.4 milyon); at ang
upgrade, operasyon, at pagmamantine ng Laguindingan International Airport sa
Misamis Oriental (P45.75 bilyon).
Ang US$818.4-million PRDP Scale-Up project ay naglalayung pabilisin ang pagbiyahe
ng mga masasaka at mangingisda sa merkado, para maiwasan ang pagkasira ng
produkto at mapalaki ang kanilang kita. Nag-commit ng pondong US$600 milyon ang
World Bank para sa proyekto.
Samantala sinabi ni Balisacan na ngayong Hulyo, umabot sa 71 proyekto na may
kabuuang halagang P4.11 trilyon, mula sa 68 na naitala noong nakaraang kwarter.
Sinabi ng NEDA head na tinitiyak ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
ang mabilis na pagpapatupad ng “high-impact infrastructure projects”.
Ito’y para mapahusay ang transportasyon, maibaba ang halaga nang pagnenegosyo, lumikha
nang matataas na level ng trabaho, maging globally-competitive, at maibaba nang husto
ang antas ng kahirapan, kaya gaganda ang buhay ng bawat Pilipino.