HINDI makapaniwa ang isang delivery rider matapos na mahuli agad ng rumespondeng pulis ang suspek na nangholdap sa kanya habang maghahatid sana ng delivered order sa Barangay Tambo, Parañaque City.
Sa ikinasang hot pursuit operation na isinagawa ng mga tauhan ng Substation 2, Intelligence Section ng Parañaque City Police at Barangay Tambo kaugnay sa kanyang kumalat na viral video sa social media sa naganap na robbery hold-up bandang 10:30 Huwebes ng umaga sa kahabaan ng Cabesang Cicilio Street, Barangay Tambo, Parañaque City ay naaresto ng pulisya ang suspek na si Jovi Perido, 33-anyos bandang 3:00 Biyernes ng madaling araw.
Ayon sa report, hinoldap ang biktimang itinatago sa alyas na Jonjon, 29-anyos, delivery rider at nakuha ang kanyang cellular phone at kinitang pera sa delivery service.
Nagawang manlaban ng biktima subalit lubhang malakas ang suspek at pinagsusuntok siya at ambang sasaksakin ngunit nagawa nitong makatakas nang may dumaan at sumaklolo sa kanya.
Doon na nagsampa ng reklamo ang biktima at agad na kumilos ang mga pulis.
Narekober mula sa suspek ang isang patalim na may habang 16 inches na ginamit sa ambang pananaksak sa biktima.
Hindi naman inaasahan ng biktima na mahuhuli agad ang suspek at nagkaroon ng tiwala sa pulisya dahil sa pagkakahuli sa suspek kahit na hindi na nabawi ang kanyang nawalang cellphone na gamit sana sa pagdedeliver.
Sinampahan na ng attempted robbery hold-up ang suspek at kasalukuyang nakalulong sa Parañaque police station.