LAHAT ng hindi rehistradong jeepneys, consolidated man o hindi ay huhulihin simula
sa Pebrero 1, babala ng Land Transportation Office (LTO) nitong Miyerkules.
“Kapag hindi naka-rehistro, whether consolidated o unconsolidated, huli kayo”, ayon
kay LTO chief Assist. Secretary Vigor Mendoza II.
Idinagdag pa ng ahensya na simula sa Pebrero 1, tatawaging “colorum” ang jeepneys
at operators na hindi nakaabot sa consolidation deadline noong Disyembre 31.
Tinatayang umabot na sa 70 percent ang PUV drivers at operators na na-consolidate
noong nakaraang taon.
“Meron tayong bubuksan na impounding area sa Carmona, two hectares sa MoA (Mall
of Asia) area. Nasa [Region] 4A ako kahapon, meron tayo bubuksan na mga
impounding area dito sa Lipa, San Pablo, at San Pedro area in Carmona,” ayon pa kay
Mendoza.
“Tingin namin sapat na ‘yun. Sana hindi mapuno, sana mag-comply na lang po ang
mga tao. Sana mag-rehistro na po ng sasakyan ang mga nagrereklamo sa
modernization program.”
Samantala, sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na handa na ang ahensya
na magbigay-ayuda sa drivers at operators na apektado ng PUVMP.
Bawat isa sa kanila ay bibigyan ng minimum na ₱30,000 na halaga na tulong-pangkabuhayan sa ilalim ng “enTSUPERneur” program.