SA KABILA ng sigalot sa pagitan ng Makati at Taguig sa pinagtatalunang 14 na paaralan na dating nasa poder ng Makati, ‘tuloy ang klase sa Agosto 29 sa mga nasabing paaralan.
Ito ay matapos ilabas noong Miyerkules ng Department of Education (DepEd) Order 23, S. 2023 na nagsasabi na dahil sa patuloy na tensyon sa pagitan ng dalawang lungsod, ang pamamahala at management ng 14 na paaralan ay inilalagay muna sa ilalim ng ahensya.
Ang 14 na public schools na nasa loob ng “embo” barangays o enlisted men’s barrios sa Makati, ay naiipit dahil sa hindi pagkakasundo ng dalawang lokal na pamahalaan.
Ito ay nangyari matapos ipatupad ang desisyon ng Korte Suprema (KS) kamakailan, na naglilipat ng 10 barangay sa Makati sa hurisdiksyon ng Taguig, pati na ang Bonifacio Global City at Fort Bonifacio.
Dahil sa desisyon ng KS, inakusahan ng Makati ang Taguig na tumanggi sa alok ng una na magbigay ng libreng school supplies at education materials. Sinabi ng Taguig na ito raw ay kasinungalingan at nais lamang linlangin ang publiko.
Samantala, nakadadagdag pa sa tensyon ang hindi pag-aksyon ng Makati sa kahilingan ng Taguig para sa kumpletong datus na kailangang para sa school planning.
Ayon pa sa utos ng DepEd, sa panahon ng transition, lahat ng activities na gagawin sa loob o may kinalaman sa 14 na public schools, kahit na ang mga ito’y manggagaling sa Makati o Taguig LGUs ay kinakailangan muna ang patiunang approval ng DepEd secretary.
Ang 14 na paaralan na sakop ng DepEd order ay ang: Comembo Elementary School, Rizal Elem. School, Pembo Elem. School, Fort Bonifacio Elem. School, Pitogo Elem. School, Cembo Elem. School, East Rembo Elem. School, West Rembo Elem. School, South Cembo Elem. School, Benigno S. Aquino High School, Makati Science High School, Tibagan High School, at Pitogo High School.