HIMAS rehas ang isang security guard matapos itong arestuhin ng mga operatiba ng District Mobile Force Battalion ng Eastern Police District (EPD-DMFB) kasama ang mga tauhan ng San Juan City Police Station sa kasong rape at child abuse sa Brgy. Balong Bato, San Juan City noong Marso 3, 2025.
Kinilala ni PCol. Villamor Tuliao, district director ng EPD ang suspek na si alyas “Abel,” 52 at itinuturing na no. 8 top most wanted person ng National Capital Region Police Office (NCRPO), regional level sa kasong statutory rape.
Ayon sa ulat, 10 taong gulang pa lamang ang step-daughter na biktima nang simulang abusuhin ito ng nasabing suspek na sekyu ng maraming beses noong 2024.
Maliban dito, sinimulan na ring pisikal na abusuhin ang biktima noong Disyembre 2004 kaya napilitan nang magsumbong sa kaniyang step-sister na agad namang nagsumbong sa mga otoridad.
Bunga nito, nag-isyu agad ng warrant of arrest si Presiding Judge Mary Catherine Noblejas-Garcia ng Family Court Branch 14, San Juan City at dakpin ang suspek.
Ang nasabing kautusan ng korte ay may kaugnayan sa paglabag ng suspek sa Sec 10(a) ng R.A. 7610 (Child Abuse Act) at para sa 2 counts ng Statutory Rape sa ilalim ng 266-A (1) (D) may kaugnayan sa Article 266-B ng Revised Penal Code, na inamyendahan ng R.A. 8353, at walang inirekomendang piyansa.
Matapos ang malalimang imbestigasyon at pagmamanman, hinuli ng mga operatiba ang suspek dakong alas-6:10 ng umaga noong Marso 3, at kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng San Juan City Police Station at hinintay ang commitment order mula sa husgado.