INIUTOS ni Land Transportation (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II sa lahat ng regional directors na maging alerto sa milyun-milyong tao na magbabalik sa Kalakhang Maynila mula sa mga lalawigan matapos ang bakasyon dahil sa Semana Santa.
Sinabi ni Mendoza na pangunahing tututukan ng kaniyang opisina ang kaligtasan ng mga biyahero mula sa mahaba-habang bakasyon.
“Inaasahan natin na magsisimula nang magsibalikan ang ating mga kababayan sa Linggo, Marso 31, kaya ipinag-utos natin na ipatupad ang mga road safety measure tulad din ng ginawa namin bago ang Semana Santa,” ang pahayag ng LTO chief.
Ayon pa kay Mendoza, ito’y kaayon din sa iniutos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista upang masiguro ang ligtas na pagbabalik ng mga taga-Metro Manila na umuwi sa kani-kanilang probinsya.
Partikular na pinatututukan ng LTO chief ang roadworthiness ng mga pampasaherong bus sa mga terminal pa lamang.
Inalerto din ng ahensya ang mga enforcer nito sa mga pangunahing lansangan at na makipag-ugnayan ang mga ito sa lokal na mga pamahalaan at Philippine National Police (PNP).
Pinalawak din umano ng LTO ang pagpapalaganap ng impormasyon hindi lamang sa mga pampublikong sasakyan kundi gayundin sa mga pribadong motorista ang may kinalaman sa basic safety measures bago ang mahabang biyahe.
“Tiyak na maraming sasakyan ang pabalik sa Metro Manila at iba’t ibang urban places simula Linggo kaya hinihikayat natin ang ating mga kababayan na manatiling maingat sa pagbibiyahe lalo na kung kasama ang ating mga pamilya,” ayon pa kay Mendoza.
“Huwag magmamaneho ng nakainom at tiyakin na may sapat na pahinga bago magmaneho. At higit sa lahat, magbaon tayo ng mahabang pasensya para maiwasan natin ang road rage dahil wala naman mabuting idinudulot ang galit sa kalsada,” babala pa ng LTO chief.