Inisyuhan ng ticket ng Metropolitan Manila Development Authority ang dalawang driver na dumaan sa EDSA busway, na gumamit sa pangalan ni senador Bong Revilla para makalusot.
Ayon kay MMDA acting chairman Atty. Don Artes, pinagmulta ang dalawa ng P5,000 para sa first offense, matapos ang ginawang paglabag sa EDSA bus lane.
Inamin ng mga sumukong driver na hindi nila pasahero ang mambabatas nang harangin sila ng MMDA traffic enforcer.
Sinabi pa ni Chairman Artes na hindi rin pag-aari ng senador ang dalawang sasakyan.
Isiniwalat pa ng mga nanghuling traffic enforcer na hindi talaga nila nakita na nasa loob ng sasakyan si Sen. Revilla, at naniwala lamang sa sinabi ng mga driver.
Matatandaang nasuspinde si MMDA Task Force Special Operations Unit head Bong Nebrija dahil sa insidente.