Tuloy pasada ng ilang tsuper sa Taytay, Rizal inalmahan ng kapwa tsuper

0
Jeep sa Taytay, Rizal tuloy pa rin ang pasada sa kabila ng transport strike

TULOY pa rin ang pamamasada ng mga jeepney drivers sa Taytay, Rizal sa unang araw ng transport strike na inilunsad ng mga transport group ng jeep at UV Express tulad ng Alliance of Concerned Transport Organizations, Manibela at Piston nitong Huwebes, ika-2 ng Marso.

Sagot umano ang week-long strike ng mga transport group sa pagbibigay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng deadline na Hunyo 30 sa mga operator na hindi pa nakasunod sa industry consolidation sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Ayon kay Jun Ading na miyembro ng koop ng mga tsuper, patuloy ang kanyang pamamasada sa kabila ng transport strike dahil siya ay nakapag-consolidate na.

“Hindi naman ako kasali sa kanila, naka coop na ako, yung ibang hindi namasada hindi pa sila nakakapag-consolidate hindi kagaya sa amin, nakapag consolidate na kami,” saad ni Ading.

Wala na aniya silang magagawa kundi sumunod sa gobyerno mahirap at masakit man sa kanilang kalagayan kung sakaling mawala ang pinapasadang jeep.

Ipinanawagan din ni Ading sa LTFRB na, “Sana naman ayusin nila, kasi magaganda pa naman ang mga jeep namin hindi pa naman ito luma.”

Ayon naman kay Danny Pawaki ng Taytay-Edsa Jeepney Association, sa loob ng 20 taon na pamamasada ang nagtulak sa kaniya para makiisa sa tigil-pasada.

“Ito lang ang hanap-buhay namin, ito lang alam namin na hanapbuhay, pamamasada, wala na kaming alam na iba, kasi dito na kami nasanay.”

Dagdag pa ni Pawaki na napag-aral aniya ang kanyang tatlong anak dahil sa kanyang pamamasada ng tradisyunal na jeep.

Tutol din si Pawaki sa modernization ng mga jeepney dahil bukod sa maayos pa aniya ang kanilang mga jeep ay mahal ang bagong ipapalit at hindi kakayanin umano ng mga operator ang presyong italaga ng gobyerno dito.

“Di baleng magutom [kami] ng ilang araw, ‘wag lang [kaming] magutom nang habang panahon,” paliwanag pa ni Pawaki sa pakikiisa nya sa tigil pasada.

Kailanganang makapag-consilidate o makapasa man lang ng pending application ang mga tsuper hanggang ika-30 ng Hunyo, kung hindi ay mapapaso ang provisional authority nila at hindi makakapamasada.

With additional reports from: Amorliza Barnido

About Author

Show comments

Exit mobile version