Diskwalipikasyon ni Mamba ‘di pa pinal

0
Si Cagayan Governor Manuel Mamba

NILINAW ng Commission on Elections (Comelec) na hindi pa final and executory ang diskwalipikasyon ni Cagayan Governor Manuel Mamba noong nakaraang halalan ng Mayo 2022.

“Sa ngayon, mananatiling gobernador si Mamba hanggang maresolba ito kung maghahain siya ng Motion for Reconsideration (MR) o hindi,” ang pahayag ng tagapagsalita ng Comelec na si Atty. Rex Laudianco sa “The Agenda” media forum sa Club Filipino sa San Juan City kaninang umaga.

Diniskwalipika ng First Division ng Comelec si Mamba nitong Miyerkules dahil sa paglabag nito sa Sections 2 at 13 ng Resolution No. 10747 may kaugnayan sa Section 261(v) ng Omnibus Election Code, kung saan hindi pinahihintulutan ang paglalabas ng pondo para gamitin sa anumang uri ng serbisyo mula Marso 25 hanggang Mayo 8, 2022.

Nag-ugat ang kaso ni Mamba nang maghain ng petisyon si Victorio Casauay laban sa gobernador, kay Mabel Mamba at Francisco Mamba, kandidato sa pagka-bise gobernador at kinatawan ng ikatlong distrito ng lalawigan ng Cagayan, ayon sa pagkakasunod-sunod, noong nakaraang eleksyon.

Ayon kay Casauay, ginamit ni Mamba ang pondo ng bayan para maglaan ng pinansyal na tulong, scholarship at iba’t ibang sasakyan na ginamit ng mga nasasakupan nito sa lalawigan sa panahon na kung saan ipinagbabawal ang paggamit ng pondo ng bayan sa loob ng 45 araw bago ang halalan.

“Bawal nga, kasi panahon ng kampanya, kaya hindi ka puwedeng gumamit ng pondo ng bayan, maliban na lamang kung may pahintulot ng Comelec,” ang sabi ni Laudiangco.

“Madali lang naman makakuha ng eksempsyon sa Comelec basta’t kaya mong patunayan na iyon ay para talaga sa social services,” dagdag pa ng tagapagsalita ng Comelec.

About Author

Show comments

Exit mobile version