INIHAYAG ni Congressman Marcy Teodoro na umaabot sa 7,000 katao ang sa ngayon ay umaasa pa rin sa industriya ng sapatos kung saan kilala ang lungsod sa de-kalidad na produktong ito.
Sa umpisa ng kaniyang muling pagbabalik kongreso, nangako ang dating alkalde na ipagpapatuloy niya ang paggawa ng mga panukalang batas katuwang ang lokal na pamahalaan para proteksyunan ang industriyang ito.
Nananawagan din ang kongresista na tangkilikin ang mga sapatos na gawang Marikina nang sa gayon ay magpapatuloy ito para sa susunod pang mga henerasyon.
“Kapag bumili ka ng sapatos mula Marikina, tatlo hanggang apat na katao ang natutulungan mo sa industriya ng paggawa ng sapatos,” sabi ni Teodoro nitong Hulyo 9, Miyerkules.
Ayon pa sa mambabatas, hindi lamang aniya ito bahagi ng kasaysayan ng lungsod kundi kabuhayan ng maraming pamilya.
Ipinagmamalaking ipinakita ni Teodoro ang koleksyon ng Shoe Museum kung saan naka-display ang mga sapatos ng kilalang mga personalidad na nag-suot at gumamit ng sapatos na gawa sa Marikina.
Ibinida niya ang mahigit tatlong daan na pares ng sapatos ng dating Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos bilang donasyon mula sa Malacañang Museum.
Sinabi ni Teodoro na malaking papel ang ginampanan ng dating Unang Ginang sa pagpapakilala at promosyon ng sapatos na gawa sa Marikina, sa ibang bansa man o lokal.
Kapansin-pansin din ang mga naka-display na sapatos ng mga kilalang pulitiko, artista, mang-aawit at iba pang kilalang mga personalidad sa iba’t ibang larangan lakip na ang kultura at arte.
“Nakakatuwa rin dahil mula sa paggawa ng leather shoes ay lumawak na ang industriya ng rubber shoes dahil nakakakuha na kami ng lokal na mga materyales sa ibang probinsya na naging katuwang na namin,” dagdag pa ng mambabatas.
Dating kilala bilang Marikina Footwear Museum, kilala na ito ngayon sa tawag na Marikina Shoe Museum na binuksan noong Pebrero 16, 2021 kung saan ipinagmamalaki rin ito bilang bahagi ng kasaysayan.
Ang gusali ay ginawang himpilan ng mga Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig na bahagi ng Hacienda Tuazon at pinaniniwalaan din na naging kulungan ni Heneral Macario Sakay, ang huling heneral sa panahon ng pananakop ng Espanya.