43 sasakyan ng Pasig LGU ginamit para sa ‘Libreng Sakay,’ ilang driver hindi nakisali sa unang araw ng transport strike

0

UMABOT sa 43 sasakyan ang ginamit ng lokal na pamahalaan ng Pasig para magamit sa programang ‘Libreng Sakay’ upang maihatid ang ilang mga manggagawa na na-stranded patungo sa kanilang pinapasukan.

Dakong alas-5:30 ng umaga nang magsimulang tumanggap ng mga pasahero ang mga “Libreng Sakay” vehicles na pag-aari ng Pasig LGU.

Kapansin-pansin na marami pa ring mga pampublikong sasakyan ang bumibiyahe at hindi sumali sa transport strike ng mga driver at operator sa lungsod.

Ngunit ilan sa mga driver na nakapanayam ng BRABO News ang nagsabing bibiyahe muna sila ng ilang oras lang at hihinto din bilang pakikiisa sa naka-schedule na transport strike.

“Kukuha lang ako ng pambili ng pagkain ng pamilya Sir, tapos titigil na,” sabi ng isang driver na ayaw magpabanggit ng pangalan.

“Pang-boundary lang Sir, tapos uuwi na ako para masabi ng mga kasamahan na nakikiisa tayo. Maiiintindihan naman nila yon,” ayon naman sa isa pang driver na ayaw rin magpakilala.

Ilan naman sa mga miyembro ng Tau Gamma, isang fraternity group sa Pasig, ang naglaan ng isang van para magsakay ng mga manggagawang walang masakyan.

Halos 10 miyembrong may motorsiklo naman ng nasabing fraternity group ang nagsakay at naghatid ng libre sa ilang mga walang masakyan na pasahero papunta sa kanilang pinapasukan.

Hindi naman lalampas sa 50 mga miyembro ng makakaliwa at progresibong grupo ang nagsagawa ng rally malapit sa Pasig Mega Market upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa PUV modernization program ng pamahalaan.

Sinabi ni Ely Villena, presidente ng isa sa mga transport group na may biyaheng Pasig-Pateros na mariin nilang tinututulan ang modernization program dahil hindi umano ito makatao.

About Author

Show comments

Exit mobile version