DALAWA katao ang patay at isa ang sugatan na pawang mga empleyado ng Armscor Global Defense Incorporated (AGDI), kilalang pagawaan ng mga bala at armas sa bansa na matatagpuan sa Brgy. Fortune, Marikina City.
Isang malakas na pagsabog mula sa nasabing factory ang gumulantang sa mga karatig pook pasado alas-2 ng hapon, Hulyo 7, Lunes, ayon sa ulat na natanggap ng bagong talaga na chief of police ng Marikina City na si PCol. Geoffrey Fernandez.
Ayon pa kay Fernandez, ang tatlong lalaking biktima na pawang naka-assign sa ammunition section ng nasabing pagawaan ay agad na isinugod ng Marikina Rescue 161 sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center.
Sinabi pa ng chief of police na ang isang biktima ay naputulan ng kamay, ang isa ay napuruhan sa dibdib at ang ikatlong biktima naman ay tinamaan sa mata bunsod ng pagsabog.
“Ito yung sa paggawa ng bala, isang component para makagawa ng bala, at ito ay puwedeng sumabog. Sabi ng EOD K-9 ay dahil yung katawan natin ay may friction, di ba minsan kapag may katabi tayo parang makukuryente tayo, nag-ignite, mainit,” paliwanag ni Fernandez.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi pa ni Fernandez na isa sa mga biktima ang umano’y nagbubukas ng primer—isang bahagi ng bala na nagpapasabog ng pulbura—at posible aniyang nag-spark dahil sa friction na naging sanhi ng pagsabog.
Bagama’t nangako ang pamunuan ng Armscor na tutulungan nila ang mga biktimang empleyado, sinabi ng mga awtoridad na posible pa ring legal na mananagot ang kumpanya dahil sa naturang insidente.
Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ni Martin Tuason, chairman, president, at CEO ng AGDI na nakikiramay sila sa sinapit ng dalawa nilang empleyado na nasawi at magpapadala ng tulong ganun din sa ikatlong biktima na nakalabas na ng ospital.
“Lahat ng kinakailangang tulong at suporta ay ipapaabot namin sa pamilya ng [nasugatan] at mga nasawi. At nais na rin naming samntalahin ang pagkakataon na sabihin sa inyo na sa loob ng deka-dekadang operasyon, ang AGDI ay mahigpit na sumusunod sa international standard at sa industriyang kinabibilangan namin lakip na sa lokal na mga regulasyon at mga inspeksyon ng Philippine National Police (PNP),” giit pa ni Tuason.
Idinagdag pa ni Fernandez na pansamantalang pinahinto ang operasyon at isinara ang factory habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa nasabing insidente.