3rd nominee ng Magsasaka Partylist umeskapo sa warrant of arrest

0
Si Lejun dela Cruz, 3rd nominee ng Magsasaka Partylist (Photo: EPD PIO)

UMESKAPO ang 3rd nominee ng Magsasaka Partylist at bumunot pa ng baril matapos itong pumalag nang ihain sa kaniya ang warrant of arrest ng mga tauhan ng Marikina City Police Station Intelligence Section, Pebrero 2, 2025, dakong alas-11:10 ng umaga sa Gate 2 Service Road, Karangalan Village, Brgy. Dela Paz, Pasig City.

Sa ulat na dumating kay PCol. Villamor Tuliao, district director ng Eastern Police District (EPD), kinilala ang suspek na si Lijone dela Cruz alyas “Lejun,” 56 na taong gulang at residente ng Quezon City.

Ayon pa sa report, matapos magpakilala ng mga operatiba, naging agresibo umano ang suspek, bumunot ng baril at dali-daling sumakay sa sasakyan nito at kumaripas ng takbo at nakipaghabulan sa mga pulis.

Nagresulta ang nasabing habulan sa pagkabangga ng suspek sa isang pulis na nabalian umano ng pelvic bone, apat na sasakyan ang nadamay at isang motorsiklo ang nasira nang nagpang-abot na sila sa Brgy. Manggahan.

Sinabi pa ni Tuliao na nang lumabas ng kaniyang sasakyan ang suspek at muling nagtangkang tumakas, dito na siya inabutan ng mga pulis at nakumpiska sa kaniya ang isang kalibre .45 na may 7 bala.

Samantala, pinasinungalingan naman ni General Du, ang legal counsel at Secretary General ng Magsasaka Partylist, ang sinabi ng pulisya na ang nasabing insidente ay hindi isang lehitimong pagsisilbi lamang ng isang warrant of arrest kundi isang pagtatangka na dukutin at iligpit si “Lejun.”

Sinabi pa ni Du na ito ay assassination attempt dahil “puwersahan” umanong pinigilan ng mga nakasibilyang pulis si “Lejun”, pinosasan, binugbog at iniwang nakahandusay sa daan samantalang “pinag-usapan kung dadalhin sa istasyon ng pulis o patayin na kaagad.”

“Kinukondena ng Magsasaka Partylist ang insidenteng ito na isang nabigong ‘extrajudicial killing’ at malinaw na police brutality laban kay Lejun dela Cruz. Ang karahasang ito ay hindi lamang isang tuwirang pag-atake sa isa naming nominee kundi banta rin sa demokrasya at karapatan ng lahat ng political activists at marginalized sector na nagnanais makibahagi sa demokratikong proseso,” dagdag pa ni Du.

Itinanggi naman ito ni PNP spokesperson at Police Regional Office-Central Luzon Director Brigadier General Jean Fajardo at sinabing si Dela Cruz ay miyembro umano ng Alex Boncayao Brigade (ABB) at anak ni Nilo Dela cruz, co-founder ng ABB gun for hire.

“Wala pong katotohanan na assassination attempt against the life ni Mr. Dela Cruz. On the contrary, siya pa po ang namutok at siya pa ang nanagasa, at ang pulis natin na sinasagaan naka-confine. May fracture siya sa pelvis dahil siya ay binangga nung accused po,” ang pahayag ni Fajardo.

Ang inihaing warrant of arrest ay para sa 2 counts of murder na inisyu nina Presiding Judge Pheove Meer ng RTC Branch 275 na may petsang Abril 27, 2018 at Presiding Judge Harold Cesar Huliganga ng RTC Branch 254 ng Las Piñas City.

Maliban sa mga nabanggit, samsampahan din si “LeJun” ng mga kasong frustrated homicide, four counts of malicious mischief, at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na may kaugnayan sa BP 881 o Omnibus Election Code, sa Pasig City Prosecutor’s Office.

About Author

Show comments

Exit mobile version