Higit ₱5-B tulong ng U.S. sa DepEd apektado sa bagong polisiya ni Trump

0
Higit P5-B tulong ng U.S. sa DepEd apektado sa bagong polisiya ni Trump

NANGANGANIB ang $94-M o ₱5.4-B assistance ng United States of America sa pamamagitan ng U.S. Agency for International Development (USAID) sa Department of Education (DepEd).

Sa isang panayam sa radyo kay Assistant Secretary for Strategic Management na si Asec Roger Masapol, sinabi nito na maaapektuhan ang matagal nang ipinapadala ng Amerika sa Pilipinas na tulong sa programang ng basic education.

Partikular na tinukoy ni Masapol ang ‘ABC+,’ ‘Opportunity 2.0,’ ‘Gabay,’ at ‘ILO-Ph’ na mga proyekto ng DepEd na tuwirang maaapektuhan sakaling tuluyan nang ihihinto ng US pagkatapos ng 90-day review period.

“Well, malaki yung effect po nito talaga, yung impact on the timeline of the project itself. So, ang ginawa po ng government- ay ng leadership with Secretary Sonny Angara ay lahat po ng mga partners natin nagbibigay ng intervention like USAID, iminap po natin ‘yan sa ating 5-Point Agenda, ito po yung quality basic education development plan ni Secretary Angara,” ayon pa kay Masapol.

Ngunit para hindi naman malagay sa alanganin, sinabi ni Masapol na hinahanapan na ng paraan ni DepEd Secretary Sonny Angara na saluhin ang pansamantala ang epekto ng nasabing isyu.

“Hahanapan naming ng paraan halimbawa ay mga continuing funds kami, titingnan namin kung kaya ituloy yung iba sa mga critical activities nung mga programa po,” dagdag pa ni Masapol.

Sinabi pa ng opisyal na nakabinbin din o naka-hold ang kapalaran ng mga empleyadong maaapektuhan maliban na lang sa mga desk work na tuloy-tuloy pa ring ginagawa sa mga opisina.

Nilinaw din ni Masapol na sa kabila nang naka-hold o under review ang nasabing tulong pinansiyal, tuloy pa rin ang sahod ng mga empleyadong apektado.

“We are hopeful po na after 90 days, matutuloy po yung mga activities po kasi mukhang irereview lang naman po siguro ng US government in 90 days kung talagang kailangan ituloy o hindi yung mga programa na ito,” saad pa ng opisyal.

“Nakakapanghinayang lang po kasi nakatake-off na po yung mga activity natin sa DepEd, funded by the US government, kaya lang mayroong ganitong order. Pero, hindi naman po titigil ang lahat sa DepEd kasi nga po, we can mitigate po,” hirit pa ni Masapol.

About Author

Show comments

Exit mobile version