HINDI na nakaligtas pa ang isang Senior Citizen habang isa pang Lola ang kritikal at pito naman ang nasugatan makaraang araruhin ng rumaragasang rumespondeng fire truck sa sunog sa Maynila.
Nakilala ang nasawi na si Violeta Ferrer Estabillo, 62-anyos, vendor, residente ng Albuquerque Street, Tondo sa Maynila habang kritikal ang 67-anyos na si Irene See Ang na naka-confine pa sa Mary Johnston Hospital dahil sa pagararo ng fire truck.
Nakilala naman ang mga sugatang biktima na sina Reynaldo Ventua, 61, vendor, Katrina Catungal, 8, kapwa taga-Albuquerque Street; Harem Bautista, 21; Gabriel Bautista Yap, 14; Audrey Mae Ongoco, 16; Josh Benjamin Villanueva, 20, pawing mga residente ng Padre Herrera St., Tondo; at Jocelyn Lubo, 52, ng Tondo, Manila.
Ayon sa report, nawalan ng kontrol sa manibela ang driver na si Rodolfo Catindig Pineda, 27-anyos, ng Firetruck Smokey Pumper 125 na may plakang NBL 8773 na tumatakbo sa ang kahabaan ng eastbound lane ng P. Herrera 1st Street, Albuquerque Street, Tondo, Manila.
Sa imbestigasyon ng Manila Traffic Enforcement Unit ng Manila Police District (MPD), nawalan ng control sa manibela si Pineda dahil may iniwasan umanong tent na nakatayo sa kalsada at huli na nang kabigin nito ang manibela at aksidenteng naararo ang mga biktimang nasa kalsada.
Lubhang nasugatan si Estabillo at doon na binawian ng buhay sa Jose Reyes Hospital.
Kasalukuyang nakakulong si Pineda at sinampahan ng paglabag sa vehicular accident resulting in homicide at physical injuries.