Ilang jeep sa Tanay, tuloy pasada sa kabila ng jeepney strike

0
Ilang tsuper sa Tanay, Rizal namasada ngayong araw upang makasakay ang ilang pasahero

KUMPARA kahapon, mas marami ng jeepney drivers ang pumasada ngayong ikalawang araw ng jeepney strike sa terminal ng jeep sa bayan ng Tanay sa Rizal.

Bagamat limatado pa rin ang byahe, mas naging madali para sa mga pasahero ng jeep ang makasakay dahil mas pinili ng mga tsuper na mamasada ngayong araw upang mapunan ang pangangailangan ng mga komyuter.

Ayon kay Andi Dela Rosa, isang jeepney driver, bagamat pumapasada sila ngayon, hindi ito nangangahulugang hindi sila sang-ayon sa pinaglalaban ng kapwa nila jeepney drivers.

“Kasama na roon ang pagpapakita ng simpatya sa mga kasamahan namin (jeepney drivers). Tama lang naman ‘yung kanilang pinaglalaban. Kaya lang sa isang banda, meron ding negative (effect) dahil sa mga pasahero (mismo ang) nahihirapan,” aniya.

Dagdag pa niya, pabor naman siya sa modernization kung ito’y may konkretong plano at nasa maayos ang sistema ngunit sa ngayon, hindi siya sumasang-ayon sapagkat wala pang maaayos na sistema di umano ang ating gobyerno.

Nagbahagi naman ng anunsyo ang Tanay Public Safety Office sa kanilang Facebook page patungkol sa byaheng puwede sakyan ng mga pasahero.


Base sa kanilang post, may byahe na ang sumusunod:

Tanay papuntang Cainta-Junction.
Limitado ang byahe ng jeep mula Tanay hanggang Crossing.
Tuloy na din ang byahe ng Tanay papuntang Bagumbong.
Tuloy din naman ang pasada ng mga UV express papunta sa Crossing, Starmall, at Megamall.

Samantala, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang malawakang tigil pasada ng mga jeepney drivers upang pagtutol sa Public Utility Vehicle Modernization Program na magtatagal hanggang Sabado, ika-12 ng Marso.

About Author

Show comments

Exit mobile version