Transport Cooperative ng Binangonan, dumaing sa isinasagawang PUVMP

0
Mensahe naman ni Pirante sa gobyerno na huwag na silang pahirapan pa sa mga requirements dahilan upang mahirapan silang sumunod sa ginagawang modernization ng mga PUVs.

DUMAING ang Chairman ng Tanay, Binangonan, Cainta, Sta. Lucia Transport Cooperative (TBCSTC) na si Alderico Pirante dahil sa perang kakailanganin ng mga operator ng jeep upang matugunan ang mga kinakailangan sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno.

Giit ni Pirante na mahihirap lang umano ang mga operator ng jeep upang tugunan ang mga requirements na kakailanganin para makasabay sila sa PUVMP.

“Hindi po porke’t may jeep na, akala nila nakakaluwag na. Naka steady po ang boundary namin. Kung 600, 600 lang. Babawasan pa yung 700, 700 lang. Babawasin pa ang mga expenses diyan, pampagawa, pambili ng gulong, battery, kung anu-ano pang sira ng makina,” dagdag pa niya.

Mensahe naman ni Pirante sa gobyerno na huwag na silang pahirapan pa sa mga requirements dahilan upang mahirapan silang sumunod sa ginagawang modernization ng mga PUVs.

Aniya, isa umano sa requirements ay ang pagkakaroon ng mga bagong terminal sa Binangonan, Tanay, at Cainta na dadagdag pa umano sa kanilang bayarin na sasabay pa sa ginagamit nilang terminal ngayon na binabayaran rin nila kada buwan.

Kung saka-sakali umanong ang kooperatiba ang maglalakad ng prangkisa para sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), kakailanganin naman nilang sundan ang mga requirements nito katulad ng pagkakaroon ng 20,000 pesos na halaga ng bank account per unit para sa mga jeepney.

Giit ni Pirante, “Hindi naman lahat ng may jeep, mayroong bank account na ganoong halaga eh. Mahihirap lang po ang mga operator.”

Dagdag pa niya na nahihirapan rin silang magpasa ng mga dokumento sa LTFRB at sa Local Government Unit (LGU) kaya umaasa siya na mabigyan pa sila ng extension para sa isinagawang programa.

Ang PUVMP ay pinasamulan ng Department of Transport (DOTr) noong 2017 upang mas mapaganda, gawing mas komportable, at maging environmental friendly ang mga PUVs tulad ng mga jeep at bus.

Kasama rin sa programa ay ang pag phase-out ng mga lumang jeep at bus upang palitan ng mga e-jeepney na aabot sa 1.4-milyon hanggang 2.1-milyong piso, na naging dahilan upang almahan ito ng mga tsuper ng jeep sa ginaganap ngayon na weeklong strike.

Hindi rin umano maganda ang ibinabang isang linggong tigil pasada ng mga tsuper ng jeep, karapatan man umano ng mga driver na mag-rally, ay karapatan din naman umano ng ilang tsuper na bumiyahe kahit mayroong ginaganap na strike sa Maynila at ibang parte ng Luzon.

Kasalukuyan pa rin ginaganap ang week-long strike ng mga jeepney driver mula pa noong araw ng Lunes, ika-6 ng Marso at magpapatuloy hanggang Linggo, ika-12 ng Marso.


With additional reports from: Jerome Gabriel at Jay Vee Villaraza

About Author

Show comments

Exit mobile version