NALAMBAT ng mga tauhan ng Binangonan Police ang isang lalaki na tulak ng iligal na droga matapos makuhanan ng aabot sa ₱748-K halaga ng shabu sa ikinasang buy bust operation sa kahabaan ng Manila East Road, Brgy. Pantok, Binangonan, Rizal, kamakalawa ng hapon.
Sa report na nalakap mula sa tangggapan ni Col. Felipe Maraggun, Rizal Provincial Director, nakilala ang suspek na si Alyas Jonathan, 41-anyos, residente ng Taguig, City.
Base sa impormasyon mula sa Binangonan Police, napag-alaman na ang suspek ay sangkot sa isang road crash incident sa nasabing lugar nang aksidenteng nabangga nito ang dalawang biktima na sina Alyas Mariano, 49-anyos at Alyas Ar-Ar, 34-anyos, kapwa nakatira sa Binangonan, Rizal.
Kapwa nagtamo ng mga galos sa katawan ang dalawang biktima sanhi ng aksidente.
Agad na nireport ng mga biktima sa Binangonan Municipal Police Station ang naganap na insidente at base sa kanilang salaysay ay mabilis ang pagmamaneho ng suspek.
Sa pagpunta naman ng kapulisan sa ospital ay positibong tinuro ng mga biktima ang suspek at doon ay nakumpiska ang tinatayang mahigit ₱700,000 halaga ng shabu nang kapkapan ng rumespondeng pulis ang suspek.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang belt bag, coin purse, weighing scale, cellular phone, tatlong piraso ng ₱100 recovered money at apat na pakete ng hinihinalang shabu na may bigat na humigit kumulang 110 gramo at nasa ₱748,000.00 ang street value.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Binangonan Custodial Facility matapos sampahan ng reklamong Reckless Imprudence resulting in Physical Injury at R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Dugs Act of 2002.
Ang mga ebidensya ay dinala sa Rizal Provincial Forensic Unit (RPFU) para sa laboratory examination.
Sinabi naman ni PCol. Maraggun na “ang pagkakahuli sa suspek ay isa sa dulot ng maganda at masigasig na pagtratrabaho ng buong Rizal PNP. Nangangahulugan din ito na napigilan din natin na mapalaganap ang droga sa ating bayan na isa sa sumisira sa kinabukasan ng ating mamamayan.”