WARNING: Sensitibo ang balitang ito.
SUMUKO na sa mga awtoridad ang 26-anyos na driver at construction worker na nang-hostage Sabado ng gabi sa C6 Road, Lupang Arenda, Brgy. Sta. Ana sa Taytay, Rizal.
Ayon kay PCol. Felipe Maraggun, provincial director ng Rizal PNP, kinilala ang suspek na si alyas “Vin,” tubong Guinayangan, Quezon, samantalang ang biktimang anak nito ay kinilala na si alyas “Athena,” isang taong gulang.
Sinabi ni Maraggun na nagsimula ang hostage drama dakong ala-7 ng gabi at tumagal ng mahigit 2 oras na nagdulot ng matinding traffic na umabot hanggang C-6 sa Taguig City.
Dagdag pa ng mga awtoridad na naging matagumpay ang negosasyon at nailigtas ang bata at inilipat na sa pangangalaga ng mga kamag-anak.
Nagpasalamat din si PLtCol. Marlon Solero, chief of police ng Taytay na naging katuwang nila sa pagpapanatili ng kaayusan ang ilang barangay officials at mga force multipliers mula sa pagsasaayos ng trapiko hanggang sa pag-rescue sa bata.
Batay sa imbestigasyon, inireklamo umano ang suspek ng kinakasama nito na inabuso ang 13-anyos na step-daughter na agad namang isinuplong sa barangay.
Dito na umano nagwala ang suspek hangang sa gawing hostage ang sariling anak nito gamit ang karambit knife.
Nagpasalamat naman si Taytay Mayor Allan de Leon dahil walang anumang dikaaya-ayang nangyari o nasaktan sa nasabing insidente.
“Nagkaroon ng hostage-taking pero well-handled naman ng ating PNP. Thankful din tayo dahil kahit nagdulot ng malaking abala, walang nasaktan at nakuha yong bata nang safe,” dagdag pa ni De Leon.
“Ang insidente ay dulot ng problemang pampamilya, ngunit nagpapasalamat kami na natapos ito nang walang nasaktan. Napakahalaga ng maagap at maayos na paghawak sa sitwasyon upang mapanatili ang kaligtasan ng lahat,” pahayag ni Maraggun.
Nakapiit ngayon ang suspek sa Taytay Municipal Police Station at nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004, alarms and scandal, at illegal possession of bladed weapons.