Mga Saksi ni Jehova nag-iimbita sa ‘Dalisay na Pagsamba’

0
Abangan ang Episode 2 ng “Ang Mabuting Balita Ayon kay Jesus,” isang serye ng mga video na may 18 episodes na may masusing pagtalakay sa buhay at ministeryo ni Jesu-Kristo batay sa mga ulat sa Ebanghelyo. (Photo: jw.org)

MULING nag-iimbita ang Mga Saksi ni Jehova sa publiko na dumalo sa isasagawa nilang annual 3-day convention sa iba’t ibang panig ng bansa na nagsimula noong Mayo 23-25 at ang susunod ay bukas, Mayo 30-Hunyo 1, 2025 sa Angeles City, Pampanga; Burdeos, Quezon; Novaliches, Quezon City at Calamba City, Laguna para sa wikang Tagalog.

“Inaasahan naming muling makasama ang publiko at maipakita ang kapana-panabik na programang ito sa lahat ng dadalo,” sabi ni James Morales, tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova.

Dahil sa pag-aalala ng marami sa komunidad tungkol sa pananampalataya at espirituwalidad, pinili ng mga Saksi ang temang “Dalisay na Pagsamba!”

“Tampok sa kombensiyon ngayong taon ang buhay ng ating Panginoong Jesu-Kristo. Tatalakayin natin kung paano niya nalampasan ang mga tukso ng Diyablo, mauunawaan ang unang himalang ginawa niya, at matututo ng mahahalagang aral mula sa kanyang mga halimbawa ng pag-ibig, habag, at kagandahang-loob,” dagdag pa ni Morales.

Ang kombensiyong “Dalisay na Pagsamba!” ay magtatampok ng mga video batay sa Bibliya, mga pahayag, at panayam sa mga paksang gaya ng:

• Tularan ang Sagot ni Jesus sa Manunukso!

• Ano ang Nakikita ni Jesus sa Iyo?

• Alam Mo Ba Kung Bakit Ka Naniniwala sa Pinaniniwalaan Mo?

Ang tampok sa Sabado ay ang bautismo sa mga indibiduwal na nagpakita ng interes sa dalisay na pagsamba, nag-aral ng Bibliya at nag-alay ng kanilang sarili sa Diyos.

Marami rin ang nag-aabang sa Episode 2 ng “Ang Mabuting Balita Ayon kay Jesus.” Ang serye ng mga video na ito na may 18 episodes ay isang masusing pagtalakay sa buhay at ministeryo ni Jesu-Kristo batay sa mga ulat sa Ebanghelyo.

Ang Episode 1 ay ipinalabas bilang espesyal na tampok sa serye ng kombensiyon noong nakaraang taon. Ang Episode 2 ay ipapalabas sa dalawang bahagi sa Biyernes at Sabado.

Taun-taon, ang mga Saksi ay nagkakaroon ng isang libreng tatlong-araw na programa na bukas sa mga lokal na komunidad.

Muli silang babalik sa SMX Convention Center sa Pasay City at sa Metro Manila Assembly Hall of Jehovah’s Witnesses sa Novaliches, Quezon City para sa isang nakapagpapasiglang kombensiyon na tatalakay sa kahulugan ng taos-pusong paggalang at pagsamba.

Ang mga Saksi ay isa sa pinakamalalaking non-profit na organisasyon na nagsasaayos ng mga kombensiyon sa buong mundo.

Muli nilang mapapasigla ang lokal na ekonomiya habang inaasahang mahigit 75,000 katao ang dadalo sa Metro Manila sa loob ng 16 na dulong sanlinggo.

Halos 11 milyong katao ang dumalo sa mahigit 6,000 tatlong-araw na kombensiyon na inorganisa ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo noong 2024.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa walang bayad na kombensiyong ito at upang makahanap ng wika at lokasyon na malapit sa iyo, bumisita sa jw.org/tl > Tungkol sa Amin > Kombensiyon.

About Author

Show comments

Exit mobile version