BAGAMA’T malaking bagay anila ang ginawang hakbang ng Department of Education (DepEd) kaugnay sa pagkuha ng libo-libong dagdag na mga guro, inihirit ng mga manggagawa ng ahensya ang dagdag rin na non-teaching personnel.
Ayon kay Atty. Domingo Alidon, presidente ng Department of Education-National Employees Union, kapuri-puri aniya ang inaprubahang dagdag na 16,000 bagong posisyon sa darating na pasukan.
Ngunit ayon pa kay Alidon, dapat din aniyang matugunan ng DepEd ang lumulobong kakulangan para sa mga support staff sa mga paaralan sa buong bansa.
“Binibigyan namin ng komendasyon ang ahensya sa mga bagong guro—at nasa tamang direksyon ito. Ngunit nais din namin ibangon ang isyu tungkol sa kakulangan ng mga non-teaching personnel,” dagdag pa ni Alidon.
Sinabi pa ng union president na totoong nailipat na ang ilan sa mga administrative tasks na dating ginagampanan ng mga guro ngunit kailangan pa rin ng dagdag pa upang makapag-pokos ang mga guro sa kanilang pagtuturo.
“Kung gusto natin na de-kalidad na pagtuturo ang matatanggap ng ating mga mag-aaral at upang hindi na mapabibigatan pa ang kasalukuyang mga staff, kailangan talaga nating magdagdag pa ng non-teaching personnel,” sabi pa ni Alidon.
Maaga nitong buwan, inaprubahan na ng Department of Budget and Management (DBM) ang 16,000 new teaching positions para sa taong 2025-2026 kung saan kabilang dito ang mahigit sa 15,000 para sa Teacher I, 500 para sa Special Education na mga guro at 157 para sa mga Special Science teachers.
Ayon sa DBM, ito’y alisunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr upang mapasulong pa ang sistema ng edukasyon sa bansa kung saan umabot sa P4.2-B ang inilaang pondo para rito.
Upang bigyan ng kalayaan ang mga school division, lalo na sa mga nasa senior high, gagawa ang DBM ng bagong mga position sa division level para bigyan ng kapangyarihan ang mga superintendents na i-asayn ang mga guro sa mga paaralang may higit na pangangailangan.
Dahil sa magkakaroon na ng mga guro sa mga classroom, sinabi pa ng DepEd-NEU na napakahalaga anila na patibayin pa ang suporta ng mga non-teaching personnel upang mapanatili ang pagpapatakbo sa mga paaralan.