DINISARMAHAN na ang lima sa pitong pulis na sangkot sa insidente na naging viral ngayon sa social media matapos itong pumasok sa isang bahay sa Napindan area ng Brgy. Ibayo-Tipas sa Taguig City.
Sa panayam ng BRABO News, sinabi ni PCol. Joey Goforth, chief of police ng Taguig City na personal niyang pinuntahan ang mismong bahay ng mga biktima at tiniyak na mananagot ang sinumang mapatunayang may sala sa nasabing insidente.
Makikita sa CCTV na tatlong pulis lamang ang pumasok sa bahay ngunit ayon kay Goforth ay may mga kasamahan pa itong apat na iba pa.
Idinagdag pa ng chief of police na ni-relieved na nila ang mga sangkot at inihahanda na ang mga kasong kriminal at administratibo.
Lumabas din aniya sa imbestigasyon na hindi pala search warrant o anumang warrant ang papel na ipinapakita at ipinababasa ng pulis sa may-edad nang babae.
Sa inisyal na imbestigasyon, ang tinutukoy na “Bumbay” ay si Police Corporal Madlangbayan at isa pang kasamahang pulis na nagngangalang Hadji Latip
Sa opisyal na pahayag, hindi umano magdadalawang-isip ang pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na ipatupad ang “full force of the law” sakaling mapatunayan na may nang-abuso sa kapangyarihan na mga miyembro ng kapulisan ng Taguig City sa isang viral video.
Ayon sa press statement ng NCRPO, hindi nila pahihintulutan ang anumang katiwalian o pang-aabuso sa kapangyarihan ng kanilang mga tauhan.
Giit pa ng NCRPO, ang lahat ng mga pamamaraan at pagsunod sa batas ay mahigpit nilang ipatutupad at walang kinikilingan.
Bunsod ito nang kumakalat na viral video sa social media kung saan sapul sa CCTV ang pagpasok ng ilang miyembro ng kapulisan sa isang tindahan at tila may ipinapakita itong dokumento habang umaalma ang isang may-edad nang babae at mga kabataang kasamahan nito sa loob.
Makikita rin sa nasabing video na nakasuot ng jacket ang mga pulis at hindi naka-uniporme habang pilit na ipinababasa ng isa ang dalang papel sa may-edad nang babae.
Habang isinusulat ang balitang ito, umabot na sa mahigit isang milyong ang nakapanuod at libu-libong ulit na rin na nai-share ang nasabing viral video.