HINDI maipaliwanag ang kaligayahan ng bawat Overseas Filipino Worker (OFW) na
“nakatakas” mula sa bangungot ng digmaan sa pagitan ng Israel at Hamas group.
Marami sa kanila ang ilang buwang nagtipid at nag-ipon may maipadala lang na mga
pasalubong sa kanilang mga kapamilya.
Pero ayon sa isang OFW, tila sagad na yata sa buto ang kasamaan ng mga magnanakaw
sa NAIA – na magagawa lamang ng mga taong may access sa iba’t ibang lugar dito:
maaaring kawani o security guard, atbp.
Dahil paulit-ulit na nangyayari ito, sinasalamin diumano nito ang pagiging walang pakialam
ng pamunuan ng NAIA sa mga bagong bayani na nagbubuwis ng buhay para sa pamilya.
Kamakailan, ilang bagahe ng OFWs mula Israel ang ninakawan, at ang ila’y sinira pa ang
lalagayan ng mga walang-pusong magnanakaw sa NAIA. Ilan pa sa mga maleta ang
nasira at hindi na pwedeng pakinabangan pa.
Ayon sa isang OFW, marami siyang biniling mga bagong sapatos pero nawala sa bagahe.
Ang iba naman, nawala ang mga pasalubong nila sa kani-kanilang pamilya.
May 60 OFWs, kasama ang dalawang sanggol, ang nakarating sa NAIA o Ninoy Aquino
International Airport (NAIA) nitong Lunes.
Ang grupo ng OFWs ay kinabibilangan ng 32 hotel workers at 28 caregivers. Umabot na
sa 122 sa ating mga kababayan ang nakauwi sa bansa magmula nang sumiklab ang gulos
sa Israel nitong Oktubre 7.
Sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) OIC Hans Cacdac, mayroon pang 120
OFWs ang nagpalista para sa repatriation.
Samantala, wala pang opisyal na pahayag ang general manager ng NAIA tungkol diumano
sa sunod-sunod na nakawan sa mga bagahe ng OFW nitong mga nakaraang araw.
Ayon sa isang netizen, dapat daw sigurong lumapit ang mga biktima kay Senador Raffy
Tulfo para kumilos ang pamunuan ng NAIA na masusing imbestigahan ang nakawan,
kilalanin at papanagutin ang mga maysala.