Menor-de-edad dedo matapos magulungan ng dump truck na minamaneho ng ama

0
Menor-de-edad dedo matapos magulungan ng dump truck na minamaneho ng ama (Screen grab mula sa FB ni Miraluna Borja)

PATAY on the spot ang isang 15 anyos na batang lalaki matapos magulungan ng isang dump truck na minamaneho ng ama nito sa demolition site ng lumang city hall ng Pasig na sakop ng Brgy. San Nicolas, ngayong Huwebes, Mayo 22.

Idineklara na wala nang buhay ang biktima dakong alas-2:10 ng hapon ni Dr. Bernard San Marcos ng Pasig Emergency Unit na kaagad na nagresponde sa nasabing insidente.

Ayon sa paunang ulat, mga 1:45 ng hapon nangyari ang insidente kung saan naramdaman umano ng driver ng dump truck na may plakang NBF 5898 na parang may nagulungan siya.

Kaagad na bumaba ito at tiningnan at tumambad sa kaniya ang isang korteng katawan ng tao na bahagya umanong nakabaon sa lupa na natatakpan ng kulay asul na lona.

Nalaman ng mga otoridad na natutulog umano ang bata sa ilalim ng truck at ginawang “banig” at “kumot” ang lona na hindi naman napansin ng driver na ama nito.

Matapos ang insidente, kaagad na humingi ng tulong ang driver sa mga kasamahan nito dahil kinailangan pang hukayin ng kaunti ang labi ng bata.

Dumating din sa demolition site sina Police Corporal Danga at Patrolman Sasotana ng Pasig City Police Station at inaresto ang driver na si Richard Balangui, 41 anyos, para isailalim sa imbestigasyon.

Tinitingnan ngayon ng mga otoridad ang isyu kung paano nakalusot at kung nagtatrabaho nga ba kasama ng kaniyang ama si Charles Balangui, isang Grade 5 na estudyante at residente ng Brgy. Pinagbuhatan.

Kung mapapatunayan, posible umanong mananagot ang mga kinauukulan dahil sa mga paglabag sa child labor law, occupational safety regulations at kasong kriminal sa kontratista.

Sinabi naman ng lokal na pamahalaan ng Pasig na maliban sa pagpapadala ng emergency personnel sa demolition site, nakikipagtulungan din umano sila sa imbestigasyon kasama ang Pasig City Hall Construction Consortium (PCHCC).

Matatandaan na sinimulan na ang demolition ng lumang Pasig city hall at karatig na mga gusali para bigyang daan ang proyektong bagong city hall complex na nagkakahalaga ng mahigit 9 bilyon na inanunsyo ni Mayor Vico Sotto noong 2024.

About Author

Show comments

Exit mobile version