
BILANG tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr, ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang kauna-unahang ahensya ng pamahalaan na nagpadala ng tulong sa libu-libong residente ng Maguindanao del Sur na apektado ng matinding pagbaha.
Agad na nagsagawa ng relief operations ang PCSO sa mga evacuees ng bayan ng Datu Piang-isa sa mga pinakaapektadong lugar ng kalamidad kung saan 1,000 food packs ang naipamahagi sa pakikipagtulungan ng Datu ZPiang PNP.
Sinabi ni PCSO General Manager Mel Robles na inatasan nila ang 5A Royal Gaming OPC, isangf authorized agent, sa Maguindanao del Sur na manguna sa distribusyon ng mga food packs na naglalaman ng 5 kilong bigas, de-lata, instant noodles at inuming tubig.
Ayon pa kay Robles, 2,500 Charitimba relief bags ang nakatakda pang ihatid via airlift upang madagdagan ang tulong sa mga biktima ng kalamidad.
“Hindi kami titigil hangga’t hindi nasisiguro na lahat ng biktima ng pagbaha ay nabibigyan ng kinakailangang pagkain at tulong-medikal,” pahayag ni Robles.
Batay sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng munisipyo ng Datu Piang, tinatayang halos 8,000 pamilya mula sa 16 na barangay ang apektado ng matinding pagbaha.
Matapos ang pagsusuri, agad na isinailalim sa state of calamity ang Datu Piang matapos ang walang humpay na pag-ulan dulot ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) na nagdulot ng malawakang pagbaha sa bayan.