SUPORTADO ni senatorial candidate Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. ang pag-amyenda para sa dagdag-pondo ng local government unit (LGU) sa ilalim ng Special Education Fund (SEF) upang mapalawak ang tulong na maibibigay sa mga mag-aaral sa kanilang nasasakupan.
Ayon kay Abalos, isinusulong niya ang pagpapalawak ng pondo ng LGU para sa edukasyon upang mabigyan ng mas malaking suporta ang mga mag-aaral lakip na libreng uniporme at gamit pang-eskwela ng mga mag-aaral sa buong bansa.
Ang SEF ay nagmumula sa probisyon ng Local Government Code, kung saan pinapayagan ang mga LGUs na mangolekta ng karagdagang 1% sa real property tax upang pondohan ang mga gastusin sa pampublikong paaralan at masuportahan ang budget ng Department of Education (DepEd).
Sinabi pa ni Abalos na ang problema aniya ay na ang kasalukuyang mga patakaran sa paggasta ng SEF ay may mga limitasyon, kaya’t limitado rin ang suportang naibibigay ng mga LGU sa kanilang mga mag-aaral.
“Itong Special Education Fund ng LGU ay para sa edukasyon ng mga bata. Ang problema, limitado ang paggamit nito,” ani ni Abalos, na ibinahagi ang kanyang karanasan bilang dating alkalde ng Lungsod ng Mandaluyong.
“For example, hindi mo puwedeng gamitin ang pondong ito sa school uniform ng mga bata eh kalimitan na problema ng ating mga kababayan ay yung perang gagastusin na pambili ng uniform ng mga bata,” dagdag pa ni Abalos.
Bukod sa uniporme, ang pagpapalawak sa paggamit ng SEF ay magbibigay-daan din sa mga lokal na pamahalaan na matustusan ang pangunahing pangangailangan ng mga mag-aaral tulad ng notebooks, lapis, bag, at iba pa.
Kapag naamyendahan ang mga patakaran sa paggasta ng SEF, sinabi ni Abalos na mas maraming pamilyang Pilipino ang makikinabang, tulad ng mga mag-aaral sa malalaking lungsod na may libreng uniporme at gamit pang-eskwela.
Binigyang-diin din ni Abalos na kailangang makasabay ang pambansa at lokal na pamahalaan sa hamon ng makabagong panahon upang maibigay ang de-kalidad na edukasyon na nararapat para sa bawat Pilipinong mag-aaral.
Isa sa mga modernong hamong ito, aniya ay ang paggamit ng digital technology, na maaari ring ipagkaloob ng mga LGU sa kanilang mga mag-aaral kung mapapalawak ang sakop ng Special Education Fund.