Kahera tinalakan ng amo, nanaksak

0
Ang suspek sa pananaksak na si Melca Carina Villa, 24-taong gulang, walang asawa at residente ng East Rembo, Taguig City

PATAY on the spot ang mag-asawang negosyante at sugatan naman ang anak matapos itong saksakin ng kanilang cashier pasado alas-10 kagabi, Mayo 30, sa bahay ng mga biktima sa Sandoval Avenue, Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City.

Kinilala ang biktimang mag-asawa na sina alyas Antonio, 75-taong gulang at alyas Nena, 60-taong gulang at sugatan naman ang kanilang anak na si alyas Benidict, 18-taong gulang.

Samantala, kinilala naman ang suspek na si Alyas Melca, 24-taong gulang, walang asawa at residente ng Barangay East Rembo, Taguig City na cashier sa LPG store na pagmamay-ari ng mga biktima.

Ayon sa inisyal na imbistigasyon ng Pasig City Police Station, pumunta sa bahay ang suspek upang mag-remit ng benta nito sa LPG store na negosyo ng pamilya.

Kinuwestyon umano ng among babae ang benta ng suspek na naging dahilan ng kanilang pagtatalo hanggang sa uminit ang ulo ng suspek at nauwi sa pananaksak.

Matapos umano saksakin ng suspek ang among babae ay agad naman nitong inundayan ng saksak ang among lalaki na agad na ikinamatay ng mga ito.

Mabilis namang nakatakas ang anak na lalaki ng mga biktima at humingi ng saklolo sa mga dumadaang motorcycle rider na agad namang nagreport nito sa Sub-station 5 sa Nagpayong area ng Brgy. Pinagbuhatan.

Isinugod ng barangay ambulance ang nakatakas na anak ng biktima sa Pasig City General Hospital na agad namang nilapatan ng paunang lunas.

Kaagad namang inaresto ng mga rumespondeng pulis ang suspek at binasahan ng Miranda Rights. Narekober sa suspek ang kutsilyong ginamit nito sa krimen.

Ayon pa sa opisyal na report ng pulisya, halos anim na taon nang naninilbihan bilang kahera ang nasabing suspek at kadalasan umanong pinagsususpetsahan na nangungupit dahil naso-short ang mga sales remittances nito.

Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Headquarters ng Pasig City Police Station.

Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong murder at frustrated murder at inihahanda na ang reklamo sa Pasig City Prosecutors Office.

About Author

Show comments

Exit mobile version