21-anyos na suspek patay sa gun buy-bust sa Pasig

0
21-anyos na suspek patay sa gun buy-bust sa Pasig (Photo: Pasig PNP PIO)

NASAWI ang isang 21-anyos na lalaki matapos mauwi sa engkwentro ang ikinasang gun-bust operation ng Pasig PNP sa Brgy. Pinagbuhatan, Huwebes ng gabi, Hunyo 12.

Ayon kay PCol. Hendrix Mangaldan, chief of police ng Pasig City, kinilala ang suspek na si alyas “Jiemark” na sangkot umano sa pagbebenta ng mga hindi lisensiyadong baril.

Nakipagkasundo umano ang isang undercover operative na nagpanggap na bibili ng isang kalibre .45 baril sa halagang P21,000.

Sinabi pa ni Mangaldan na matapos makuha ang buy-bust money, hindi pa rin umano nito ibinibigay sa buyer ang baril hanggang sa natunugan nito na pulis pala ang kaniyang ka-transaksyon.

“Sa halip na ibigay, pinutok po niya sa pulis natin, buti na lang at nakatakbo ang ating operatiba. Gumanti naman agad ng putok ang back-up na pulis na agarang ikinasawi ng suspek sa lugar ng insidente,” ang pahayag ni Mangaldan.

Ayon sa mga residente, sunod-sunod na putok di-umano ng baril ang kanilang narinig at inakala nilang paputok. Pinapasok umano sila ng mga pulis sa kanilang bahay para na rin sa kaligtasan.

Giit pa ng chief of police, bukod sa pagbebenta ng ilegal na mga armas, iniuugnay din ang suspek sa robbery, carnapping at pagkakasangkot nito sa mga gun-for-hire activities.

Narekober sa crime scene ang dalawang baril at isang granada, na ayon sa mga kapulisan ay lalong nagpatibay sa kanilang hinala na sangkot nga si alyas “Jiemark” sa bentahan ng mga ilegal na baril.

About Author

Show comments

Exit mobile version