ARESTADO ang isang 36-anyos na guro matapos itong matunton ng mga otoridad at ihain ang dalawang warrant of arrest, una sa probinsiya at ang ikalawa ay sa loob mismo ng kulungan sa Pasig City nitong Pebrero 16, 2025.
Sa natanggap na report ni District Director PCol. Villamor Tullao ng Eastern Police District (EPD), kinilala ang suspek na guro na si alyas “Dodzman” at itinuturing na No. 2 most wanted person ng EPD at No. 3 naman sa listahan ng most wanted person ng Pasig City Police Station.
Ayon pa sa report, unang naaresto ang suspek sa bayan ng Pavia sa Iloilo noong Pebrero 13, 2025 sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong Nobyembre 5, 2024 ni Presiding Judge Jesus Angelito Huertas ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 261 sa kasong statutory rape.
Samantalang nasa kulungan sa Pasig, napag-alaman na may isa pa pala itong kaso kaya inihain din sa kaniya ang isa pang warrant of arrest na inisyu noong Octobre 9, 2004 ni Presiding Judge Joanne Gironella-Gastrock ng Antipolo RTC Branch 98 sa kasong rape sa ilalim ng 266-A ng Revised Penal Code.
Batay sa impormasyon, nagkamabutihang-loob umano ang suspek at ang 14-anyos na babaeng estudyante kung kaya nagawa nitong pagsamantalahan ang biktima una, noong Hunyo 14, 2004 sa isang motel sa Pasig at ikalawa, noong Hunyo 26, 2024 sa isang lodging house sa Antipolo City.
Buwan na ng Agosto nang matuklasan ng mga magulang ang sinapit ng biktima kung kaya agad itong nagsumbong sa mga awtoridad na nagresulta sa pag-isyu ng dalawang warrant of arrest na parehong walang inisyu na karampatang mga piyansa.
Pansamantalang nakakulong ngayon ang suspek sa Custodial Facility ng Pasig City Police Station habang naghihintay ng commitment order galing sa dalawang korte.