IBINANDERA ng NGA Philippines ang bayan ng Morong sa lalawigan ng Rizal bilang ang kauna-unahang local government unit (LGU) sa buong bansa na kinabitan ng 911 next generation emergency response system, na pinasinayaan kahapon, Mayo 6.
Ayon kay Mayor Sidney Soriano, handang-handa na ngayon ang kanilang bayan sa pagtugon sa anumang emergency na itatawag sa kanila sa pamamagitan ng nasabing teknolohiya.
Sinabi pa ng alkalde na akma aniya ito upang lalo pa nilang mapabuti at magiging mabilis ang kanilang pagresponde sa mga sakuna, aksidente, medical na pangangailangan at iba pang distress calls.
Dahil sa state of the art digital technology gamit ang NG911, tiniyak ni Soriano na marami silang maililigtas na buhay at ari-arian sa mas mabilis na paraan.
“Salamat sa inyong pagdalo sa pagpapasinaya ng aming 911 Command Center with next generation advanced technology—ang kauna-unahan sa Rizal, ganun din sa Asya. Matagal na naming inaasam-asam ang ganitong pagkakataon na kung saan kaagad kaming makakapag-responde sa mga emergency at crisis situation, at heto na nga,” ang pahayag ni Soriano.
Sa ngayon, maibibigay na namin sa aming nasasakupan ang kailangan nila pagdating sa pagtugon ng lokal na pamahalaan sa maayos at epektibong paraan. Ang araw na ito ay dumating upang ang serbisyo publiko ay maibibigay namin sa mga tao,” dagdag pa ng punong bayan.
Samantala, sinabi naman ni Robert Llaguno, ang country head ng NGA Philippines, na ang Morong ang pioneer sa NGA technology na kasalukuyang ginagamit sa United States.
“Ang lahat ng tawag sa 911 ay maire-rekord na ngayon sa DRRM Command Center kung saan kaagad naman itong maililipat sa iba pang pasilidad nang tuloy-tuloy,” ang paliwanag ni Llaguno.
“There is more efficient dispatch and coordination, because IoT capabilities enhance situational awareness that include CCTV streams, GPS location and other early warning devices that can now be integrated to the system,” ayon pa kay Llaguno.
Ang 911 ng Morong ay kaayon sa Executive Order 56 of 2018 sa pagpapatupad ng isang emergency hotline number sa buong bansa pagdating sa emergency kapalit ng naunang Patrol 117.
Ang NGA ay kilala sa buong mundo pagdating sa emergency calling technology. Ang NGA NG911 na sistema ay ginagamit din ng National Emergency Number Association sa US at ng European Emergency Number Association.